Opinion

Kalupitan at Karahasan Bunga ng Nakagisnan 

By Alyssa Micah Tayug

January 4, 2022

Narito na naman ang hagupit ng karahasan sa ating mga Asyanong kababayan.

Muling rumagasa ang bilang ng mga insidente ng krimen at kalupitan sa mga Asyanong naninirahan sa Estados Unidos nitong nakaraang taon at mga buwan sa kabila ng pandemyang kinahaharap ng bawat isa. Ayon sa inilabas na datos ng Federal Bureau of Investigation ng Amerika noong ika-25 ng Oktubre, 279 ang naitalang krimen nitong nakaraang taon. Iyan ay mas mataas ng 76% kumpara sa mga naitalang kaso noong 2019. Ngayong taon, pumapangatlo ang mga Pilipino sa mga nakararanas ng kalupitan mula sa mga Amerikano. Ang karahasang ito ay kailanman hindi magiging katanggap-tanggap.

Hindi makatao ang pangdadahas na ito. Samakatuwid, isang lalaking edad 21 ang walang habas na bumaril at pumatay ng walong Asyano sa tatlong spa nitong nakaraang Marso sa loob lamang ng isang gabi dahil lamang nilalabanan daw nito ang kaniyang sekswal na adiksyon; anim dito ay mga babae. Isang Tsinong babae rin ang sinampal at sinilaban habang isang Pilipino ang hiniwa sa mukha gamit ang cutter, at isang matandang Thai ang namatay matapos atakihin at pagtulungan. Kahit pa saang anggulo tignan at anumang rason pa ang bigyan ng hustisya, hindi magiging tama ang gawaing ito ng mga Amerikano sa ating mga kapwa Asyano sa kanilang bansa.

Gayundin, ipinaiigting nito ang kapootang panlahi o “racism” sa mga Asyano, partikular na sa mga Tsino dahil ang Covid-19 na siyang nag-ugat sa Tsina at tinatawag ng mga Amerikano na “Kung Flu” at “China virus” ang pinakakinikilalang rason kung bakit nanguna ang mga Tsino sa mga biktima ng karahasan sa Amerika. Sila ay mas mataas ng 43.5% kumpara sa iba pang mga lahing Asyano ayon sa datos na inilabas ng Stop Asian American Pacific Islander (AAPI) Hate noong Agosto. Sabihin na nating oo nga’t sa Tsina nanggaling ang virus na ito na siyang kumitil ng milyon-milyong buhay, hindi pa rin ito sapat na rason upang kamuhian ang mga Tsinong naninirahan sa Amerika. Hindi naman nito maibabalik ang buhay ng mga nawala, bagkus ay maaari pa nitong maikalat ang naturang sakit dahil nagkakadikit-dikit ang mga tao sa tuwing may ganitong krimen. Virus ang problema, hindi ang mga Tsino. Biktima lamang din sila ng walang awang sakit na ito.

Ngunit, hindi pa rito natatapos ang lahat dahil maski hindi mga purong Asyano ay nakararanas ng ganitong kalupitan. Samakatuwid, hindi nawawala sa mata ng mga tao ang estereotipo o nakagisnang paniniwala ang ideyang miyembro ng “model minority” ang mga Asyanong-Amerikano. Sa madaling sabi, nasa isipan pa rin nila na mas nakaaangat sa lipunan at lubos na mayayaman ang ganitong mga Asyano kahit pa hindi naman ito totoo dahil mayroon din namang mga mahihirap na mga Asyanong-Amerikano. Dahil dito, sila ang mga nagiging target ng karahasan kapag bumababa na ang ekonomiya na siyang naganap noong nagsimula ang pandemya.

Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga krimeng ito, mas sumisidhi pa ang pangangailangang protektahan ang kapwa natin mga Asyano mula sa diskriminasyon at labanan ang estereotipong pinaniniwalaan ng karamihan. Bukod sa Covid-19 Hate Crimes Act na nilagdaan ni President Joe Biden ng Amerika, mainam na magkaroon ng batas na nagpoprotekta sa mga kapwa natin Asyano kahit mawala na ang pandemya dahil mahalaga pa rin ang kanilang seguridad sa kabila ng mga nagbabadyang karahasan. 

Gayundin, magandang gamitin ang media sa pagwawaksi ng estereotipo sa mga Amerikano na hindi lahat ng mga Asyanong-Amerikano ay mayayaman. Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Sohad Murrar, isang psychologist, noong 2017, malaki ang gampanin ng mga napapanood sa telebisyon sa pagbabago ng mga paniniwala ng mga tao. Kung ganoon, bakit hindi natin ito gamitin upang mabago ang estereotipo ng mga Amerikano sa ating mga kababayan? Maaaring maging mahirap ito sa una ngunit paniguradong malaki ang iuunlad ng paniniwala ng karamihan kung magtutulungan ang lahat para gawin ito.

Maitanim sana sa isipan ng bawat isa na ang poot at pagkamuhi ay hindi magiging rason upang kumitil ng buhay o manakit ng kapwa dahil anuman ang kaniyang kulay, nasyonalidad, at paniniwala, karapatan ng lahat ng indibidwal ang mabigyan ng respeto at seguridad saan man siya naroroon.