Opinion

Malayang Pamamahayag: Huling Sandata ng Demokrasya

By Alyssa Micah Tayug

January 24, 2023

Thumbnails Layout by: Ellyssa Marie Talucod

“Press freedom is the foundation of every single right of every single Filipino to the truth so that we can hold the powerful to account.”   - Maria Ressa

Noong Mayo, bumagsak sa ika-147 na posisyon mula sa 180 na mga bansa ang Pilipinas sa 2022 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF) alinsunod sa mga pag-atake ng nakaraang administrasyon sa mga pahayagan ng bansa. Ang naitalang ranggo ay ang pinakamababang posisyon ng Pilipinas simula noong 2014. 

Sa pagbubukas ng panibagong pamumuno, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto na rerespetuhin ng kanyang administrasyon ang malayang pamamahayag sa bansa. Ngunit ilang buwan lamang matapos ang kaniyang pangako ay walang habas na pinaslang noong Oktubre si Percy Lapid, isang beterano at Pilipinong mamamahayag na kilalang kritiko ng pangulo at gobyerno. Dalawang araw matapos ang insidente, muling idiniin ng pangulo na susuportahan at poprotektahan ng administrasyon ang karapatan ng medya sa bansa anuman ang mangyari upang magampanan nito ang kanilang obligasyon sa masa. 

Ngunit sa kabi-kabilang kritisismong patuloy na natatanggap ng medya sa Pilipinas, magiging malaya pa kaya ang bawat isa na maghayag ng kanilang saloobin o patuloy na tatagain ng nakaaangat ang dila ng mga nasa ibaba? 

Sa lipunang hitik sa mga pulitikong baluktot at mapang-alipustang gobyerno, tanging ang kalayaan sa pamamahayag na lamang ang huling alas ng mga mamamayan upang maisalba ang natitirang demokrasya ng bansa. 

Sa paglipas ng mga taon, hindi maikakailang unti-unting tinatanggalan ng boses ang medya sa Pilipinas. Sa katunayan, tinatayang humigit-kumulang nasa 22 na ang mga pinaslang na mamamahayag sa bansa sa administrasyong Duterte habang kasalukuyang nasa dalawa na ang pinatay sa pamumuno ng gobyernong Marcos Jr. Naging talamak din ang kaso ng red-tagging sa mga Pilipinong peryodista at pagpapasara ng mga pahayagan sa bansa simula noong 2016. Ang mga sinarang pahayagan ay pinalitan na ngayon ng mga propagandistang outlet na nagpapakalat ng maling balita sa mga mamamayan. Gayundin, nasa 197 naman ang pinaslang simula ng maibalik ang demokrasya sa Pilipinas noong 1986.

Sa kabila nito, hindi natitinag ang puso ng medya sa paglalantad ng katotohanan sa bansa sa kabila ng pang-aapi ng gobyerno. Bilang patunay, isa sa mga pinakamalaking sampal sa malayang pamamahayag sa Pilipinas ay ang pilit na pagpapatahimik ng administrasyon kay Maria Ressa, isang beteranong peryodista at CEO ng Rappler, isang kilalang pahayagan sa bansa. Siya ay nahaharap sa patong-patong na kaso alinsunod sa adbokasiya niya at ng Rappler na ilantad sa masa ang anumang katotohanan ng nakaraan at maging ng kasalukuyang gobyerno. Sa kabila nito, patuloy na lumalaban si Ressa at ang iba pang mga pahayagan sa bansa upang puksain ang anumang kasinungalingan at ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng bawat isa sa pamamahayag.

Saad naman ng marami, kung nais daw marespeto ng medya ng Pilipinas ay respetuhin din nito ang sinumang namumuno sa bansa. Oo nga’t nararapat galangin ng lahat ang pinuno ng lipunan, ngunit isa nang kahibangan kung magbubulag-bulagan pa ang sinuman sa mga kamalian at kasinungalingan nito. Ang “paggalang” sa ganitong pinuno ay isang kabastusan hindi lamang sa mga kasalukuyang mamamayan, ngunit pati na rin sa mga bayaning nakibaka at nagsugal ng kanilang dugo at pawis upang makamit ang sinasabing kalayaan ng bansa sa mga sinauna nitong mananakop.

Giit din umano ng marami, hindi dapat ginagawang aktibismo o terorismo ang pamamahayag dahil nagiging “biased” na umano ang mga artikulo at balitang inilalantad sa masa. Sa panahon kung saan kasinungalingan ang namamayagpag sa bansa, obligasyon ng medya na gisingin ang sinumang bulag at ibunyag ang katotohanan sa mga mata nito. Tulad ng sabi ni Ressa sa paglulunsad ng kaniyang librong How to Stand up to a Dictator noong Oktubre, “ I sound like an activist; I’m not, I’m a journalist, but when it became a battle of facts, journalism became activism. We need to do something, otherwise we lose the last two minutes of democracy.” Hindi rin kasalanan ng mga pahayagan kung ang kanilang mga inihahatid na balita ay hindi kaaya-aya sa mga bulag na mamamayan kung ito naman ang katotohanan. 

Oras na upang lipunin ang anumang kasinungalingan sa bansa. Sapat na ang mahabang panahon na pang-aalipusta sa pamamahayag. Ito na ang araw upang ipamalas ang naglalagablab na puso ng bawat isa tungo sa demokrasya ng Pilipinas. Bilang solusyon, mainam na magsimula sa mga kabataan ang aksyon. Nararapat ipakita ng bawat isa ang kanilang adbokasiya para sa katotohanan at pawiin agad ang anumang maling impormasyong laganap sa bansa. Gayundin, mainam na isama maging sa kurikulum ng elementarya o Junior High School ang kasanayan sa pagkilala sa tama at maling balita. Sa panahon ngayon, higit na kailangan ng mga bata na magkaroon ng matalas na pag-iisip at magandang pundasyon sa pagkilala sa katotohanan nang sa gayon ay ‘di sila mabulag sa anumang kasinungalingang ihahain sa kanila ninuman. Panghuli, anuman ang mangyari, maging obligasyon nawa ng lahat ang tumindig sa katotohanan at huwag lumihis sa kamalian.

Tunay ngang nasa bingit na ng kamatayan ang kalayaan ng pamamahayag sa Pilipinas, ngunit hindi ibig sabihin nito ay magpapatianod na lamang sa pang-aapi ng mga nakatataas ang mga Pilipino. Sa panahon kung kailan marami na ang mulat sa katotohanan, oras na upang patuloy na ipaglaban ng bawat isa ang demokrasya ng bansa at sa mga manlulupig, kailanman ay huwag pasisiil.