Opinion

Baybayin: Ang mga Letrang Tagalog 

By Andrea Teves

December 3, 2021

Sa paglaya ng Pilipinas sa mga tanikala ng mananakop ay nagningas ang paghahangad nating maibalik ang ating identidad na siyang ninakaw ng mga Espanyol sa ating bansa. Maraming kabataan ang siyang naging mulat sa ating kasaysayan at natagpuan ang sistema ng pagsulat na Baybayin. Ang mga letrang ito ay ginagamit ng mga Tagalog bago sakupin ng mga Espanyol ang Pilipinas. Sa kasamaang palad ay pinalitan nila ang Baybayin ng Abecedario upang masigurong hindi mag-aalsa ang mga kababayan nating Pilipino laban sa kanilang administrasyon. 

Tila baga mga kaibigan natin silang nais lamang tayong tulungan at bigyan ng kaliwanagan, ngunit sa likod nito ay ang takot nilang magkaroon ng hinuha ang mga “mangmang na Indio” sa tunay nilang balak sa Pilipinas. Mabuti na lamang ay hindi naibaon sa limot ang mga letrang ito, at kalaunan ay lumaganap sa internet na siyang agad pinagpiyestahan ng madla. Ang pagkasabik na naramdaman ng kabataan ay agad namang tinugunan ng kongreso at nagpasa ng batas kung saan gagawing sistema ng pagsusulat ang Baybayin. Ngunit, marami ang tumututol dito dahil napag-iwanan na ito ng panahon, at hindi nila nakikita ang saysay ng paggamit nito. 

Ang Baybayin ay hindi kayang makipagsabayan sa mga bagong salitang halos araw-araw nabubuo. Mayroong mga letrang wala sa Baybayin na siyang nakalagay sa Abakada kaya mahirap na itong ituro lalo na sa mga taong walang kakayahang suportahan ang sarili upang makatanggap ng kalidad na edukasyon, at kung sakali man ay ang mga susunod na henerasyon lamang ang makikinabang nito. Isa pa sa mga problemang nakikita ng mga eksperto ay ang kakulangan nito ng patinig at katinig. 

Ayon sa kanila, nauuna munang bigkasin ng tao ang mga salita bago nila ito matutunang maisulat. Dahil ang Baybayin ay may iisang simbolo na nagrerepresenta sa mga letrang e/i, o/u, da/ra, mahihirapan ang kabataang matukoy kung ano ba ang tunay na ibig sabihin ng salita. Lalo na kung hindi siya pamilyar sa mismong salitang nakasulat dahil walang indibidwal na simbolong nagrerepresenta sa mga letrang nabanggit. 

Paano pa kaya kung naipatupad ang batas na inihain ng kongreso kung saan nirerekomendang gagamitin ang Baybayin bilang sistema ng pagsulat sa buong Pilipinas? Maliban sa lalaki ang gastos dahil kailangang palitan ang mga karatula, sinasabi rin ni Mark De Chavez (UP Diliman Linguistics Professor) na tila ba isa itong sikretong lenggwahe sa pagitan ng mga taong nakaiintindi lamang nito. Ito ay komento niya sa isang street sign na siyang nakapaskil sa isang subway sa Manila. Ito ay simpleng paggalaw na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno na siyang nakakuha ng positibong reaksyon. 

Marami ang natuwa sapagkat napakaelegante nga namang tingnan ng Baybayin. Marami na ang nagpapahayag na sana nga ay ibalik na ito para naman magkaroon tayo ng interaksyon sa kulturang ninakaw sa atin. Ngunit masyado naman tayong nahihibang sa kagandahan ng nakaraan na nakalimutan na nating maraming kababayan natin ang hindi marunong magbasa at magsulat. Nakalimutan niyo na ba ang kahihiyang hinarap ng Pilipinas noong sumali tayo sa programa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD)? 

Pitumput-siyam na bansa ang nakilahok dito kasama na ang Pilipinas na siyang nasa dulo ng listahan pagdating sa kategorya ng pagbabasa. Kung ang mga Pilipino ngang nasa eskwelahan ay nahihirapan na sa pagbabasa, paano pa kaya kung ibibigay natin sa mga estudyante ang isang koleksyon ng letrang ngayon lamang nila nakita? Lalo na ang mga kapatid natin sa iba’t ibang rehiyon na mayroon namang sariling sistema ng pagsulat?

Ito ang problema sa ating mga taga-Maynila. Akala natin ay boses na tayo lagi ng buong Pilipinas, na may karapatan na tayong irepresinta ang mga kapatid natin sa Visayas at Mindanao kahit hindi pa natin napakikinggan ang kanilang mga opinyon. Tandaan natin, na ang Baybayin ay parte lamang ng kultura ng mga Tagalog.

“Manila Imperialism” ika nga nila, ang siyang ating ipinalaganap sa pagpapatupad ng Baybayin. Hindi natin binabawi ang identidad natin bilang Pilipino, ngunit binubura nating mga Tagalog ang labing lima, sa labing anim sa sistema ng pagsulat ng Pilipinas. Siguro nalimot nating isa rin namang diyalekto ang Tagalog tulad ng daan-daang naitalang diyalektong binibigkas nating mga Pilipino. Simula nang ihayag ang Tagalog bilang wikang pambansa ay minamarapat ng kanilang mga eskwelahan na marunong silang magsalita ng Tagalog. 

Kung gagamitin ang Baybayin bilang sistema ng pagsulat, ano’ng pinagkaiba natin sa mga dayuhang pilit na binura ang kasaysayan nating mga Pilipino? Isa pa, mayroong mga letra sa mga lalawiganing sistema ng pagsulat na hindi makikita sa Baybayin. Ano pa ang saysay ng pagpapalaya natin sa ating mga sarili mula sa impluwensya ng dayuhan kung hindi naman malaya ang ibang Pilipino sa paggamit ng kanilang totoong sistema ng pagsulat?

Sabihin na nating may mga ahensya na nagboboluntaryong paunlarin pa ang Baybayin upang maging angkop sa lahat ng diyalekto, ngunit nakaligtaan ‘atang ituro sa atin na ang Abakada ay ginawa rin ng mga Pilipino. Ito ay pinangunahan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, Trinidad Pardo de Tavera, at si Lope K. Santos na siyang nagtuloy ng kanilang pamana sa ating bayan. 

Kilala si Rizal sa kanyang angking talino at ang mga nobelang kanyang sinulat. Ngunit, nakalimutan nating mga Pilipinong siya’y isa ring dalubwika (linguist). Noong panahon ng Espanyol, karamihan sa ating mga kababayan ay hindi marunong magbasa. Sa kagustuhan niyang magbahagi ng kaalaman sa mga bata ay nagboluntaryo siyang magturo sa mga ito. Ngunit mahirap aralin ang Abecedario lalo na kung kasisimula mo pa lamang ng pag-aaral. 

Upang mas mapadali ang pag-aaral ay ginawa niyang simple ang ortograpiya ng mga letrang katulad ng Ka. Dahil tayo’y gumagamit pa lamang ng abecedario, ang katinig na ka ay hindi lang simpleng ka, ke, ki, ko, ku kundi ca, que, qui, co, cu na siyang nagpapalito sa mga kabataan. Kaya naman napagdesisyunan ni Jose Rizal na gagamitin ang mga pinasimpleng ortograpiya na sinang-ayunan naman ni Tavera sa pamamagitan ng pagpalit sa kaniyang panulat na pangalan mula sa Lactao, tungo sa Laktaw. Sumunod naman ang ilan pang mga maimpluwensyang tao katulad ni Del Pilar kaya’t nakita ito ng mga Espanyol bilang isang paraan ng pag-aalsa. Kalaunan ay pinagyabong ito ni Lope K. Santos na siyang nagtaguyod ng Abakada, o ang sistemang pagsulat ng mga Pilipino.  

Napakaraming pagbabago ang ginawa upang magkaroon ng sariling sistema ng Pagsulat ang buong Pilipinas. Tratuhin natin ito bilang simbolo ng pag-unlad. Huwag tayong pumayag na mabalewala ang kanilang mga iniambag, at lalong-lalo tayong huwag pumayag na ikulong ang mga kababayan nating Pilipino sa kultura ng mga Tagalog. Sa huli, pare-pareho lamang tayong nagmamahal sa ating bansa, mga biktima ng mga dayuhang ninakaw ang totoong Pilipinas mula sa atin. Pero, imbis na tumingin sa nakaraan ay ituon natin ang ating mga mata sa harapan at gumawa ng Pilipinas na may layuning unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan.