‘Kasama ang Komyuter, Sa Laban ng tSUPER!’: Sigaw ng Kalsada
Ni Marc Laurence Nada
Nobyembre 26, 2023
Walang klase ang mga paaralan, walang pasok sa trabaho at hirap mag-commute? Sino ang sisisihin? Ang mga tsuper? Hindi kasalanan ng mga kapwa Pilipino nating tsuper ang walang katapusang transport strike na ating nararanasan. Ito ay kasalanan ng ating mapang-aping sistema sa gobyerno at lipunan.
Nagsagawa ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ng tatlong araw na welga na nagsimula noong Lunes, Nobyembre 20. Sinundan naman ito ng grupong pang-transportasyon na Manibela ng tatlong araw na transport strike mula Miyerkules hanggang Biyernes, ika-22 hanggang ika-24 ng Nobyembre, upang labanan ang nalalapit na consodilation deadline sa Disyembre at ang patuloy na pagbasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Ngunit hindi ito ang una at huling transport strike na ating naranasan sa kasaysayan ng Pilipinas. Simula noong 1920s hanggang sa kasalukuyan, laganap na ang mga transport strike sa bansa. Mula sa pag-apila sa pagtaas ng presyo ng langis at ibang produktong petrolyo, mababang singil pasada, at jeepney phaseout plan sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-aagrabyado ng gobyerno sa ating mga dakilang tsuper.
Ramdam na ang mga kaugnay na problema sa jeepney phaseout plan noong 2017 pa lamang. Nailathala ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) sa Department Order (D.O.) No. 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance na mas kilala bilang Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Halos pitong taon na ang nakaraan, ilang protesta at welga na ang naisagawa upang ibasura ito ngunit wala pa ring nangyayari upang baguhin ng mga nasa puwesto ang mga polisiyang ito.
“Walang magaganap na traditional jeepney phaseout” sabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kung babalikan natin, noong Marso ay nakaranas din tayo ng transport strike, ito ay isinagawa laban sa consolidation deadline noong Hulyo 30 na itinakda ng LTFRB. Sa kabila ng mga reklamo, pinahaba ang deadline hanggang Disyembre 31, ngunit hindi na mababago ang deadline na ito ayon sa LTFRB. Alinsunod dito, kailangan pirmahan ng mga traditional jeepney owners ang consolidation form upang patuloy sila na mag-operate simula Enero 1, 2024.
Noong nakaraang linggo, sa aking pagsakay sa isang jeep upang pumasok sa paaralan, katabi ko sa unahan ng jeep si manong tsuper. Narinig ko si manong, “May strike na naman sa isang linggo. Lintik na transport strike yan, hindi na natigil. Wala na namang mapagkakakitaan,” sabi niya. Dagdag pa rito, maraming mga taong nagagalit sa mga tsuper dahil nagsasagawa sila ng strike kaya naaagrabyado ang pagpasok sa paaralan ng mga estudyante, at pagpasok sa trabaho ng mga empleyado. Nakalulungkot dahil hindi niya alam o marahil maraming tao ang may hindi alam na kinakailangang gawin ito bilang protesta sa mapang-abuso at mapang-aping mga polisiya ng gobyerno sa mga hari ng kalsada na naghahatid at sundo sa atin papunta at pauwi ng eskuwelahan at trabaho.
Hindi malaki ang kinikita ng ating mga jeepney drivers. Sumabay pa ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin, lalo na ang pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo. Mababang singil pasahe ngunit mataas ang presyo ng gasolina kaya maliit na lamang ang iniuuwing kita ng ating mga jeepney drivers. Matagal na silang nagtitiis sa ganitong sitwasyon sa bansa.
Noong panahon ng pandemya, natigil ang ating mga jeepney drivers sa pagpasada. Nawalan sila ng trabaho at ng pagkakakitaan. Patuloy na naghihirap ang ating mga jeepney drivers dahil sa kalagayan nila sa mapang-aping sistema sa bansa.
Ang PUV Modernization Program ay sadyang “anti-poor” na programa ng gobyerno. Hindi sapat ang kinikita ng mga jeepney driver upang gawing moderno at makabago ang kanilang mga jeepney. Huwag nating hayaan na dumating tayo sa punto na maraming jeepney drivers ang mawawalan ng trabaho, at huwag nating hayaan na ma-alienate sila sa kanilang trabaho sa lipunan. Mga kapitalista ang higit na nakikinabang at patuloy na makikinabang sa programang ito. Palagi na lamang pabor sa kanila ang mga batas sa bansa, mga polisiya, at programa ng gobyerno, paano naman ang mga Pilipinong nasa laylayan na palagi na lamang naaapakan?
Gutom at pagod ang nararanasan ng ating mga tsuper sa pagsasagawa ng strike. Ito ay paraan ng pagprotesta upang ipakita sa gobyerno na may mali sa sistema. Kasama ang kanilang mga pamilya sa kanilang ipinaglalaban. Ilang araw na walang kinikita, paano na lamang ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan? Paano na lamang ang kinabukasan nila at ng kanilang pamilya kung mawawalan sila ng pagkakakitaan?
Hindi na tama ang matagal nating pagtitiis sa ganitong problema ng bansa. Ito ay dapat masolusyonan nang tama na walang naaagrabyadong Pilipinong nasa laylayan.
Kasama rin tayong mga komyuter sa kanilang laban, huwag nating iwanan ang mga tsuper na naghahatid sa ating destinasyon. Kailangan nila tayo, samahan natin silang lumaban at tumindig upang lumakas ang sigaw, at upang tayo ay marinig. Tayo naman ang maghatid sa ating mga tSUPER sa maginhawang buhay upang sila’y makarating sa hinahangad na hustisyang panlipunan.