Column
Pangarap, Pantasya, at Pandaraya
Ni Aaron Marky Tayug
Oktubre 13, 2023
Sa gitna ng pagsusumikap ng Pilipinas na makamit ang kahusayan sa edukasyon, may lumalaking anino na nagbabantang wasakin ang mismong pundasyon ng sistema ng edukasyon — ang tahimik na epidemya ng pandaraya sa akademikong larangan.
Sa komplikadong mundo ng akademiko kung saan madalas matanaw ng mga mag-aaral ang paaralan bilang isang lunsaran ng kompetisyon at ang mga kapwa-estudyante bilang mga katunggali, ang ideya ng pandaraya ay nagiging isang mahusay na diskarte sa laro na may mataas na pustahan.
Ang itinaguyod na layunin ng mga pagsusulit upang timbangin ang kakayahan ng bawat isa ay nag-iba, dahil ang pagnanais ng mga mag-aaral na makamit ang pinakamataas na marka ay naging daan upang sila’y magpasiklaban sa akademikong larangan. Pinalalabas din ng perspektibong ito na ang tagumpay sa edukasyon ay nasusukat sa mga matataas na grado. Dulot nito, unti-unti ring nagbago ang pananaw ng isang mag-aaral dahil ang bawat kaklase ay kaniya nang nagiging potensyal na katunggali.
Tunay na nakadidismaya ang ganitong pangyayari. Habang ang iba ay tapat sa kanilang pag-aaral, hindi maiwasang magkaroon ng mga mag-aaral na mas pinipiling gawin ang lahat, kabilang na ang pandaraya sa kanilang mga akademikong gawain upang makamit ang inaasam nilang marka. Ang kawalan ng integridad sa pag-aaral ay hindi lamang naglalagay ng labis na presyon sa buhay akademiko. Ito rin ay naglalabas ng mensahe na ang matagumpay na edukasyon ay maaabot lamang sa pamamagitan ng pandaraya at kompetisyon sa halip na makatwirang pag-aaral. Ito ay isang lantarang problema na kailangang harapin at ayusin sa sistemang pang-edukasyon upang ang lahat ng mag-aaral ay magkaroon ng makatarungan at pantay-pantay na pagkakataon.
Gayundin, ang ganitong gawain ay senyales ng isang bulok na sistemang umiiral sa bansang ito, at siyang nag-uugat mula sa ilang mga rason.
Ayon kay Adorador (2022), isang propesor sa Negros Occidental, isa sa mga pangunahing rason ng pandaraya ng mga mag-aaral sa eskwelahan ay ang pagkakaroon ng presyon na makakuha ng mataas na grado na kadalasang inaasahan sa kanila ng kanilang mga magulang, guro, o mga kaklase. Ang hangarin para sa mga matataas na marka ay kanila ring itinuturing na paraan upang masiguro ang kanilang magandang hinaharap tulad ng mga scholarships, o isang hakbang para makapasok sa mga prestihiyosong paaralan.
Isang malaking salik din ang pagkakaroon ng mga kaibigang sumusuporta sa pandarayang gawain. Ayon kay Simpson (2016), hindi maikakailang laganap ang mga mag-aaral na sumusuporta sa pandaraya ng kanilang mga kasamahan. Marami rin ang nagkukumpara ng mga markang kanilang natanggap sa mga pagsusulit, dahilan upang mabawasan ang kumpiyansa ng mga ilang nakakuha ng mas mabababang marka.
Dagdag dito, isa rin sa rason ng pag-usbong ng ganitong kasanayan ay ang takot na mabigo. Maaaring gamitin ng mga mag-aaral ang pandaraya bilang tugon sa takot na bumagsak sa kanilang mga pagsusulit. Posible ring ang kahihinatnan nila mula sa kanilang mga magulang ang nagtulak upang sila ay mandaya sa mga pagsasanay.
Sa kabila nito, ang kahalagahan ng integridad at pagtitiwala sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa pagtutok sa pagkakaroon ng mataas na marka. Ito ay hindi lamang tungkol sa mga numero, kung ‘di pati na rin sa pag-unlad ng sariling kasanayan at karakter. Bilang mga mag-aaral, responsibilidad nating ituon ang pansin sa tunay na layunin ng edukasyon – ang magkaroon ng mga kaalaman at kasanayan upang maging mabuting mamamayang magbibigay ng tapat na serbisyo sa bansa. Ang pagkamit ng mataas na grado ay hindi dapat maging pangunahing layunin sa edukasyon dahil ang pagkakaroon ng integridad, respeto, at pagtitiwala sa sarili ang magiging daan ng bawat mag-aaral patungo sa matagumpay na buhay.