Opinion

Paliparan ng Katiwalian: Ang mga Nagliliparang Isyu ng NAIA

Ni Aaron Marky Tayug

Oktubre 1, 2023

Isang malaking kontrobersya ang kinahaharap ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mahuli sa isang CCTV footage ang lantarang paglunok ng isang empleyado ng Office for Transportation Security (OTS) ng $300 na kanyang ninakaw mula sa isang Chinese national noong ika-8 ng Setyembre. Kinuha ng babaeng empleyado ang bag ng biktima para sa manual inspection habang dumadaan sa x-ray scanner ang biktima habang ang suspek ay inaabutan ng tubig ng kanyang x-ray officer at kunwaring kinakausap siya ng kaniyang superbisor upang hindi mahalata ng biktima ang ginagawa nilang pagnanakaw.

Matindi namang pinabulaanan ng suspek ang paratang sa kaniya at sinabing tsokolate ang kaniyang kinakain, ngunit nakita sa imbestigasyon na pera ang kaniyang nilulunok at may kasangkot pa siyang tatlong kawani rin ng OTS.

Ang ganitong pangyayari ay hindi na bago sa NAIA. Sa katunayan, naganap din ang pagnanakaw ng isang OTS ng relo mula sa isang Chinese national noong nakaraang Marso 1. Noong Pebrero 22 naman, nakita sa isang video ang pagnanakaw ng mga kawani ng OTS sa isang Thai national, kung saan limang opisyales ang kinasuhan at sinuspende, dagdag lamang sa 14 na iba pang mga kawani ng NAIA dahil sa parehong kaso.

Tunay na nakadidismaya ang kaganapan sa loob ng NAIA. Marami na ang kasong ganito at ilang beses nang nahuli ang mga gumagawa nito. Subalit, kung titingnang mabuti, ano nga ba ang nagbibigay-insentibo sa kanila para gawin ito kahit na may panganib na mahuli sila?

Isa sa pangunahing rason ay ang pagkakaroon ng mababang kompensasyon sa kabila ng maraming banta bilang mga frontliner. Ang mga security scanner at mga contractual employee ay kumikita ng P16,000 kada buwan, kasinglaki ng ninakaw ng naturang mga empleyado ng OTS sa kanilang biktima. Ngunit hindi ito sapat na palusot upang abusuhin nila ang kanilang kapangyarihan at gumawa ng mga ganitong krimen. Hindi ba ang paulit-ulit na ganitong pangyayari ay may malaking implikasyon sa pamamalakad ng gobyerno sa loob ng NAIA?

Isa lamang itong patunay ng kakulangan sa pananagutan at pagpigil ng mga awtoridad. Ang paulit-ulit na kaso ng robbery, theft, at bribery na sangkot ang mga airport security personnels ay isa sa mga patunay na kulang ang pananagutan ng mga ahente ng gobyerno. Sa kabila ng ganito karaming mga kaso, ipinakikita lamang nito na ang mga naturang kawani ay hindi nabibigyan ng tamang parusa para sa kanilang kasalanan. Hindi sapat ang suspensyon lamang para matakot ang iba pang security personnels sa paggawa ng krimen. Ang ganitong kakulangan sa aksiyon ng awtoridad ay nagbibigay-mensahe na hindi epektibo ang pagtugon sa katiwalian sa loob ng kanilang hanay.

Gayundin, hindi maikakailang ang mga ganitong kaso ay isang patunay ng hindi mabisang reporma sa ahensya ng gobyerno sa NAIA. Sa kabila ng paulit-ulit na pangako ng gobyerno sa pagsupil ng korapsyon at mga sindikatong gumagalaw sa NAIA, tila ba’y wala rito ang nasusunod. Ang mga pangakong reporma ay tuluyan nang napako. Sa kabila ng isyung mga naganap, laganap pa rin ang ganitong uri ng kababalaghan sa loob ng NAIA, isang patunay na hindi epektibo ang pamamalakad ng awtoridad.

Hindi rin maikakailang bumaba ang kumpiyansa ng mga pasahero sa NAIA dahil sa paulit-ulit na kaso ng nakawan. Ayon sa isang travel website na HawaiianIslands, ang NAIA ang pangatlo sa pinakamalalang paliparan sa Asya. Ang Pilipinas din ay pangwalo sa buong Asya sa pagkakaroon ng pangit na serbisyo at kaligtasan sa kanilang mga pasahero. Ang mga insidenteng ito ay isang senyales na hindi masisiguro ng gobyerno ang kanilang kaligtasan at seguridad sa paliparan, na humahantong sa pagkadismaya sa kakayahan ng pamahalaan na mapanatili ang batas at kaayusan. Ang ganitong isyu ay mayroong malaking implikasyon sa persepsyon ng pamumuno sa bansa.

Bilang solusyon sa mga ganitong kaganapan binanggit noon ni Senador Grace Poe na mainam na magkaroon ng maayos na kompensasyon ang mga security personnels sa NAIA upang maisaayos din nila ang kanilang trabaho at maiwasan ang ganitong insidente. Gayundin, nararapat na magkaroon ng mga programa para sa security personnels kabilang ang ethics training  at integrity training. Isa pa sa solusyong binanggit ni Poe ay ang pagkakaroon ng maayos na kaparusahan para sa mga taong mahuhuling gumagawa ng ganitong gawain, nang sa gayon ay maengganyo ang iba pang mga empleyado na manatiling tapat sa kanilang serbisyo.

Ang patuloy na pag-usbong ng mga isyu ng katiwalian at krimen sa loob ng NAIA ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbabantay, transparency, at pananagutan ng pampublikong administrasyon. Upang pasiglahin ang tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa pamamahala ng mga awtoridad, kinakailangang hindi lamang hanggang pangako ang kayang ibigay ng mga naluklok sa pwesto, kundi ay kaya ring magpatupad ng mga epektibong hakbang upang alisin ang katiwalian at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.