Opinion
Ang Pagsupil ng Baril sa Binhi ng Kinabukasan
Ni Zaynnah Trias
Setyembre 30, 2023
"Maraming namamatay sa maling akala."
Hindi na bago sa ating pandinig ang mga salitang iyan. Sa bansa kung saan laganap ang pag-usbong ng balitang krimen kada linggo, napapanahon at napatunayan na sa paglipas ng panahon ang katotohanan ng naturang pudpod na kasabihan.
Kalunos-lunos ang sinapit ni Charles Edward Serquiña. Walang kalaban-laban na pinaslang ang trese anyos na binatilyo noong Setyembre 15 habang tinutulungan ang ina sa pagtitinda ng balut sa Villasis, Pangasinan. Tatlong beses na pinagbabaril ng riding-in-tandem ang biktima nang walang patutsada, dahil sa maling akala.
Ayon kay Carina Serquiña, ina ni Charles, mabait na bata ang kaniyang anak. Likas na mapagmahal at matulungin ito, lalo pa’t tinutulungan ni Charles ang kaniyang ina sa pagtitinda ng balut dahil ang kinikita nila mula rito ay iniipon at dapat sana’y gagamitin sa kaniyang pag-eenroll.
Gaano man kahirap ang buhay, gano’n nalang kadali ang pagbawi nito. Nakakagalit, kung tutuusin. Sa isang kasa ng baril at kalabit ng gatilyo, isang batang may buhay ang nawalay sa kaniyang magulang, mga kapatid, at kaibigan; isang batang may kuwento, emosyon, kaalaman, pangarap, at hangarin sa buhay; isang batang masipag at puno ng pag-asa sa kaniyang mumunting katawan; isang batang inosente.
Hindi na bago ang kaso ng pagpatay dahil sa maling akala. Kadalasan, mga pulisya pa na may responsibilidad na paglingkuran at proteksyunan ang bansa ang sangkot dito. Noong Agosto 2 sa kasalukuyang taon lamang, umugong sa bansa ang balita tungkol sa kalunos-lunos na sinapit ni Jemboy Baltazar, isang binatilyong 17-anyos na binaril ng mga pulisya dahil sa maling pagkakakilanlan. Dahil sa insidente, nanumbalik din sa alaala ng mga tao ang hawig na kaso ni Kian Delos Santos, 17-anyos na biktima rin ng pamamaril ng mga pulisya noong 2017. Isa pang kaparehong kaso ang naitala noong Agosto 20 lamang. Dalawang pulis ang sangkot sa pagpatay sa 15-anyos na binatilyong si John Frances Ompad. Si John Frances ay nadamay lamang sa kaguluhang namagitan sa kaniyang kapatid at mga pulis, at natamaan lamang ng balang dapat sana ay para sa kaniyang kapatid, na gaya ng mga naunang kaso ay inosente rin.
Hindi makatarungan at nag-uugat lamang sa mabababaw na dahilan ang mga nabanggit na kaso ng pamamaril. Kung may karapatan ang bawat mamamayan na mabuhay, bakit laganap ang kultura ng malayang pagpatay sa bansa? Nakakalungkot isipin na ang mga kabataan, kinabukasan, at ilaw ng bayan, ay unti-unting napupuksa ng mapaniil na karahasan.
Hindi ito basta kuwento lamang na maririnig o mababasa sa mga telebisyon at pahayagan, sabay lalagpasan. Bukod sa balita, ang kaso nina Charles, Jemboy, Kian, John Frances, at ng marami pang iba, ay nagsisilbing kapwa babala at panawagan. Sa panahon kung saan walang sulok na ligtas at matataguan, tunay na nanganganib ang buhay ng bawat kabataan. Maaaring pauwi ka lamang galing eskwela, naglalakad sa tapat ng inyong tahanan, namamasyal, o tumutulong sa magulang at naghahanap-buhay; nakasunod ang kamatayan.
Ang nangyari kay Charles Serquiña ay hindi makatarungan at manipestasyon lamang ng palpak na paggunita at pagpapatupad ng ating konstitusyon. Malaya ang mga kriminal at opisyal na gawin ang ninanais nila sapagkat hindi kasindak-sindak ang pagpapatupad ng ating mga batas at polisiya. Madalas, ang mga nagpapatupad pa nga mismo ang sumusuway at nagpapasaway.
Sa kabila ng mga nagpapatong-patong na isyu ng hindi makatarungang pagpatay sa bansa, isang tinig lang ang dumadagundong mula sa mga pamilya ng biktima at madla: hustisya. Hindi magsasawa ang bawat pahayagan at mamamahayag na ungkatin ang mga nakalipas na kaso, mag-usisa, mag-kumpara, humusga, at manawagan nang parang sirang plaka para sa pagbabagong hindi pa matanaw ng mga mata. Dahil kung ang sandata ng mga manunupil ay baril, pagpapalawig ng kamalayan sa pamamagitan ng malayang pamamahayag ang sa atin.
Nawa'y makamit ng pamilya Serquiña ang nararapat na hustisya.