Opinion

Paglalayag Tungo sa Kapayapaan

Nina Arabella Misluhani, Vetina Soriano, at Neomie Ashley Vasquez

Hunyo 26, 2024

5-min read

“Sa manlulupig, hindi ka pasisiil” 


Isang linya mula sa ating pambansang awit na sumisimbolo at nag-iiwan ng mahalagang mensahe na panahon na upang tumindig para sa ating bayan at mga karapatan. Subalit sa ating henerasyon marami ang patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga nangyayari sa ating paligid. Kung kayat sa paanong paraan nga ba natin muling mapapaalab ang apoy na nagsasabing — makialam, makibaka para sa ating bayan?


Nitong ika-17 ng Hunyo, umugong ang balita tungkol sa inilabas na mga bidyo at larawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan makikita ang pagharang at pagigipit ng mga armadong Chinese Coast Guard (CCG) sa mga Pilipinong sundalo nakasakay sa Rigid-Hulled Inflatable Boats ng Pilipinas (RHIB). Naganap ang nasabing engkwentro sa gitna ng rotation at resupply mission sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa may Ayungin Shoal. Ayon sa AFP, nasira rin ng CCG ang ilang RHIB at mga kagamitan pang-nabigasyon at komunikasyon nito, maging ang cellphone ng mga Pilipinong sundalo. Pitong sundalo rin ang nasugatan habang may isang naputulan ng daliri.

Sa pangyayaring ito, naungkat ang usapin patungkol sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), Kung saan nakapaloob dito ang, pangakong nilagdaan ang Pilipinas at Estados Unidos na kung magkaroon ng armadong pag-atake sa mga pwersa, sasakyang panghimpapawid, o sasakyang pandagat, ipagtatanggol ng kabilang bansa ang kaalyado nitong bansa.


Ayon kay Ray Powell, isang maritime security expert, maituturing ang nasabing aksyon ng CCG bilang isang “armed attack”. Iginiit niya na dahil hindi lamang nagpapaputok ang mga ito, hindi na ito maituturing bilang “armed attack”. Nitong Sabado, salungat naman ang sinasabi ni Commodore Jay Tarriela, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) patungkol sa nasabing usapin. Aniya, hindi maituturing bilang "armed attack" ang nangyari noong Hunyo 17 sapagkat ang pagpigil sa pag-resupply ang intensyon ng Tsina at hindi pukawin ang 1951 MDT. Nilinaw rin niya na hindi dahil sa mga armas ng Tsina ang pagkaputol ng daliri ng sundalo kung hindi dahil sa bilis ng RHIB. 


Mula sa mga nakaraang kaganapan mahalagang mabigyan ng pansin at nararapat na solusyon ang umiinit na suliranin. Hindi na ito bago — palala nang palala ang mga engkwentro na hindi dapat isawalang bahala bagkus nararapat malapatan ng mapayapa at makatarungang solusyon upang hindi na mas lumaki ang gulo.


Una, masasaksihan sa balita nitong nakaraang buwan ang patuloy na pagbabantay at pananatili ng mga tauhan ng Tsina sa mga bahagi ng WPS na ating nasasakupan. Sa kalaunan tila mas nagiging agresibo ang kanilang mga gawain na siyang nakababahala na at mas nararapat nang bigyan ng aksyon sapagkat mas nalalagay na sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan. 


Bukod sa mga naibalitang engkwentro nitong nakaraang linggo, may mga naiulat na balita kung saan makikita ang pagiging mahigpit ng Tsina sa ating mangingisda na naglalayag sa bahagi ng WPS. Bukod dito, naging usapin din noong nakaraang buwan ang pagkasira ng ilang bahagi ng coral reef sa WPS. Dito pa lang makikita na unti-unting umiinit ang suliranin na ito na hindi lamang nakapokus sa labanansa teritoryo kundi maging sa seguridad at pangkalikasan. 


Ngunit hindi ba't bahagi iyon ng ating bansa? Hindi ba't dapat malaya tayong nakapag layag sa sarili nating dagat? Hindi ba dapat mas paigtingin natin ang ating boses upang ipaglaban ang tunay na sa atin? 


Sapagkat sa kahit anong anggulo tingnan, nasa ating bansa ang karapatan upang angkinin ang karagatang pilit na inaangkin. Sa ilalim ng International law, matatandaan naipanalo ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling ang WPS dito rin ibinasura ang 9-Dash Line na ipinaglalaban ng Tsina. Sakop ito ng 200 nautical miles na bahagi ito ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) na nakasaad sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kung kaya’t may karapatan tayo upang ipaglaban ang katubigang tunay na sakop ng ating bansa.


Ngunit kaugnay ng ating paglaban, sa halip na idaan sa agresibong paraan, nararapat lamang na idaan ito sa payapa at diplomatikong paraan. Ayon sa pahayag ni dating Associate Justice Antonio Carpio patungkol sa mga kaganapan kamakailan, naniniwala siyang hindi pa nararapat gamitin ang MDT sapagkat walang “firearms” na ginamit, inilarawan niya ito  bilang “escalation” pa lamang. Aniya: “pag kumagat tayo, mas malakas ang firepower nila.” Payo niya na huwag mahulog sa bitag na maaring mauwi sa pagsalakay ng Tsina.


Binigyang linaw din ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Roy Vincent Trinidad ang pangako ng Pilipinas na “non-violence” sapagkat wala ito sa polisiya na mayroon ang West Philippine Sea.


Kalakip nito, ayon naman kay Jay Batongbacal sa isang news forum nitong Sabado, makatutulong itoupang magbigay daan para sa diplomatikong solusyon ang pagturing sa naturang engkwentro bilang “hindi pagkakaunawaan” o “aksidente”. 


Ngunit sa paulit-ulit na pagmamalupit ng mga CCG sa mga Pilipino, masasabi pa bang hindi pagkakaunawaan ito? Masyadong malubha na ang dinaranasng mga mangingisda, Philippine Navy Officers, at PCG. Minamaliit masyado ang ganitong isyu kung tawagin lamang na isang “aksidente” o “hindi pagkakaunawaan”. Aksidente pa ba ang patuloy na ginagawang ng CCG sa kanila? Malabong pagkakaunawaan ba ang rason kung bakit hindi na malayang makapag hanapbuhay ang mga mangingisda sa WPS? Kung ika’y nasa panig ng bansa, kinakailangang hindi ka lamang papayag na maliit na pagkakamali ang rason sa mga isyu sa nasyon. Walang masama kung bigyang pangalan kung sino ang mali at itungo ang sitwasyon sa tama. Hindi dapat ipakita na tayo’y takot umamino harapin ang nangyayaring pagsupil sa bansa.  


Ang nasakop ay hindi na muling magpapasakop.


Mag-iwan sana itong paalala sa atin na iisa lang ang ating bayan kaya kailangan natin itong ipaglaban hanggang sa ating makakaya. Sa panahon natin ngayon na puno na ng pangamba ang sambayanan, mahalagang gawin na natin ang mga nararapat — imulat na ang ating mga mata at huwag matakot gamitin ang mga makabagong aplikasyon upang makapagbahagi ng mga impormasyon na makakatulong upang ipakita na may boses tayo at maging munting paalala sana ito na, tangkilikin natin ang sariling atin.


Bilang mga Pilipino sama-sama nating ipagsigawan — Sa atin ang West Philippine Sea! Magmula noon, hanggang ngayon, at magpakailanman.