Malayang Pahayagan: Ang Hasik ng Sulo sa Gitna ng Kadiliman
Ni Aaron Marky Tayug
Nobyembre 13, 2023
Kagimbal-gimbal ang bumungad sa mga residente ng Brgy. Don Bernardo A. Neri sa bayan ng Calamba noong ika-5 ng Nobyembre nang walang habas na pagbabarilin ng isang lalaki ang radio anchor na si Juan “Johnny Walker” Jumalon.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang krimen habang umeere ang programa ni Jumalon na 94.7 Calamba, Gold FM mula sa kaniyang home-based radio station nang dumating ang suspek sa istasyon at sinabing may mahalaga siyang i-aanunsyo kaya pinayagan siyang makapasok. Agad namang pinaputukan ng baril ng suspek si Jumalon nang malapitan sa labi hanggang sa likod ng ulo. Maraming rason na tinitignan ang pulisya kabilang na ang personal na alitan, pagnanakaw, at ang hindi na matapos-tapos na kaso ng media killings.
Sa lipunan kung saan patuloy ang pagdaloy ng impormasyon, ang haligi ng demokrasya ay nahaharap sa isang banta – ang nakababahalang pagtaas ng kaso ng pagpatay sa mga Pilipinong mamamahayag. Habang ang mga tagapangalaga ng katotohanan ay isa-isang bumabagsak, ang diwa ng malayang pamamahayag ay nailalagay sa sukdulang pagsubok. Kung saan ang nakaaangat ang itinuturing na tama, at ang bawat nasasakupan ay patuloy na binubusalan, ano na ang kinabukasan ng isang bansa kapag ang pluma ay marahas na inagaw sa mga tagapagsalaysay ng katotohanan, at iniwan sa mga may kapangyarihan ang paghawak sa mga himig na kanilang pinatahimik?
Si Jumalon ang ika-apat na mamamahayag na pinatay sa kasalukuyang administrasyon at ang ika-199 mula nang maibalik ang demokrasya noong 1986. Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines, 196 na ang mga nasawing mamamahayag sa linya ng kanilang trabaho. Sa mga kalunos-lunos na insidenteng ito, 102 ay mula sa radyo, 72 sa print media, 14 sa kombinasyon ng dalawa, at 8 naman ang mamamahayag sa telebisyon. Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay isa pang mamamahayag na si Percy Lapid ang walang habas na pinatay malapit sa kanyang tahanan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya. Ang mga mantsa ng tinta ng kawalang-katarungan ay patuloy na sumisira sa pahina ng malayang pamamahayag, na siyang humihimok sa atin na tumayo laban sa mga anino na naghahangad na patayin ang liwanag ng katotohanan.
Hindi maitatangging ang patuloy na kalunos-lunos na insidente ng pagpatay sa mga Pilipinong mamamahayag ay may epekto sa gulugod ng malayang pamamahayag at demokrasya sa bansa. Hindi lamang nagbibigay ng banta sa kaligtasan ng mga nasa midya ang kakulangan ng mga kahihinatnan sa mga ganitong kaso, kung ‘di nagpapakita rin ito ng malubhang panganib sa mga layunin ng isang demokratikong bansa. Sa pamamagitan ng pagsupil sa mga boses ng mga mamamahayag nang walang makatarungang rason, ito ay nagbubunga ng takot sa larangan ng midya, na nagreresulta sa pagpigil sa mahahalagang impormasyon na kinakailangan para sa isang lipunang bulag sa katotohanan. Ang kawalan ng pananagutan para sa mga karumal-dumal na gawaing ito ay nagpapadala ng isang mensahe na ang pagpapatahimik sa mga mamamahayag ay katanggap-tanggap, na siyang nagpapabagabag sa mga pangunahing prinsipyo ng demokrasya na umaasa sa malayang pagpapalitan ng impormasyon, at proteksyon ng mga mahahalagang karapatan.
Dagdag pa rito ang walang tigil na kaso ng red-tagging—isang paraan upang kontrolin ang pamamahayag ng mga impormasyon at supilin ang pagtutol sa katiwalian. Isang patunay sa isyu na ito ang pilit na pagpapatahimik ng nakaraang administrasyon kay Maria Ressa, isang beteranong mamamahayag at Chief Executive Officer ng pahayagang Rappler. Patuloy ang kaniyang pakikipaglaban sa red-tagging sa Pilipinas sa kabila ng mga patong-patong na kasong isinampa sa kaniya ng nakaraang administrasyon dahil sa kaniyang adbokasiya bilang isang mamamahayag. Ang kaniyang tapang ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pahayagan sa pagsupil sa mga pang-aabuso ng mga nakaaangat at naglilingkod bilang mabisang paalala na sa laban natin para sa malayang pamamahayag, ang tapang niya ay isang kaharian ng inspirasyon na dapat pamarisan.
Sa kabila ng malaking dilim na bumabalot sa malayang pamamahayag sa Pilipinas, may tila isang alitaptap na nagbibigay ng tanglaw sa landas patungo sa katotohanan. Ito'y parang munting sulong hindi nadadaplisan ng takot at pang-aapi dahil sa paglipas ng panahon, tila isang rebolusyong nagliliyab sa kaisipan ng bawat Pilipino ang pangangailangang ituloy ang laban para sa demokrasya. Hindi dapat tayo magpadala sa pang-aapi ng mga may kapangyarihan dahil sa katapusan ng araw, tandaan natin na tayo ang mga bagong bayaning nagdadala ng liwanag sa kadiliman ng kasinungalingan.