Column

Isang Dekadang Lumipas: Hustisya’y Pumipiglas

By Leianne Dela Cruz

Oktubre 25, 2024

5-min read

Copyread by Keith Argonza

“Katarungan, paano ka ba makakamtan?”




Ikalabing-isa ng Oktubre taong 2014, isang pangkaraniwang araw lamang para sa iba ngunit nagtataglay ito ng kagimbal-gimbal na trahedyang dinanas ng isang Filipina transwoman na si Jennifer Laude. Ito ang araw kung saan inaalala ang karumal-dumal na sinapit ni Jennifer Laude sa kamay ng isang Amerikanong sundalong si Joseph Scott Pemberton. Isang palatandaan na magpahanggang ngayon, ang mga kabilang  Filipino LGBTQIA+ community ay patuloy pa ring naghahangad ng hustisya para sa ala-alang kanyang iniwan. Sampung taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpatay kay Jennifer, at hanggang ngayo’y, isa pa rin itong kasong nagpapamulat para palawigin pa ang karapatan, katarungan, at respeto na kailangan nilang matamasa.



Kinagabihan ng Oktubre 11, nagkita sina Laude at Pemberton sa Ambyanz Nightlife Bar sa Olongapo City, at maya-maya’y sumama ang isa pang kaibigan ni Jennifer sa kanila. Napag-desisyunan ng tatlo na pumunta sa isang motel, at nang makapag-check in na ay saktong umalis ang kaibigan ni Jennifer, dahilan para maiwan ang dalawa sa kuwarto. Pagkalipas ng 30 minuto, mag-isa na lamang na lumisan ng kuwarto si Pemberton. Natagpuan na lamang ng kahera ng motel ang katawan ni Laude na nakahandusay na sa sahig. Ayon sa ulat ng pulisya, nakasandal na lamang ang ulo ni Jennifer sa inidoro at tinakpan ng isang puting kumot ang kanyang katawan. Lumabas sa imbestigasyon na asphyxia by drowning ang naging sanhi ng pagkamatay ni Jennifer, nilunod ang kanyang ulo sa inidoro dahilan para tuluyan na nga itong malagutan ng hininga.



Nasintensiyahan si Pemberton ng 6-12 taong pagkakakulong sa kasong homicide. Maituturing ng pulisya na hate crime ang nasabing kaso dahil ang pangunahing motibo ng krimeng ito ay ang pagkakaalam ng suspek na isang transwoman si Laude at hindi tunay na babae, na siyang  nag-udyok dito para tuluyan na nga niya itong paslangin.



Sa kabila nito, hindi pa natatapos ang mga sumunod na pagsubok sa kaso dahil taong 2016 ay binawasan ng Olongapo RTC (Regional Trial Court) ang sintensiya ni Pemberton ng hanggang sampung taon na lamang. Sa pagbaba ng kanyang sintensiya, masasalamin kung paano nga ba gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa. Ito ay isang sistemang hindi makatarungan– sistemang pasismo sa estado.



Sa mga sumunod na taon ay naghain ng petisyon si Pemberton sa Olongapo RTC para mapakinabangan ang kanyang Good Conduct Time Allowance o mas kilala bilang GCTA. Ibinibigay ang GCTA sa isang bilanggo na nagpakita ng kanyang kabutihang asal sa loob ng kulungan, kaya naman, ito ang nagiging dahilan upang mapaaga ang paglaya ng isang bilanggo mula sa pagkakakulong. Mula sa unang araw hanggang ika-3 ng Setyembre, taong 2020 ay tuluyan na ngang naaprubahan ang GCTA kay Pemberton. Nabawasan ng apat na taon ang kabuuan ng kanyang sintensiya. Ngunit, hindi pa rin dito nagtatapos ang kalbaryo ng kasong ito sapagkat binigyan ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pemberton, na naging daan upang tuluyan na siyang makalaya sa krimeng nagawa. Ito ang naging daan upang maglaho na ang hustisyang dapat sanang matamasa ng biktima.



Sa kasalukuyang panahon, patuloy pa ring ipinaglalaban ang panawagan para sa katarungan. Hustisya ang isinisigaw ng pamilyang naiwan ni Jennifer dahil sa hindi makatarungang pagpapasiya para sa naging sintensiya ng taong kumitil ng kanyang buhay. Isa itong malaking patunay na ang kasong ito ay kailangang mawakasan at maibsan upang wala nang susunod pa na mawawalan ng buhay dahil sa karahasan at diskriminasyon na kanilang naranasan.



Isinusulong din ngayon ni Senador Risa Hontiveros ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression Bill o mas kilala bilang SOGIE Equality Bill. Naglalayon ang nasabing panukalang batas na maprotektahan ang bawat indibidwal mula sa pang-aabuso at diskriminasyon na hindi inaalintana ang kanilang kasarian. Ang panukalang batas na ito ay ginawa para sa lahat, at hindi lamang ito angkop para sa mga kabilang sa LGBTQIA+ community. Ang SOGIE Bill ay makatutulong para mawakasan na ang anumang uri ng pang-aabuso patungkol sa kasarian na kinabibilangan ng isang tao.



Gayumpaman, laganap pa rin ang panghuhusga at pang-aabuso sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Isang halimbawa kamakailan ang sapilitang paggupit ng buhok ng isang estudyante dahil kung hindi ito gugupitan ay hindi na ito makapag-e-enroll kailanman sa paaralan na kanyang pinapasukan. Si Gen, hindi nito tunay na pangalan ang sarili pa nitong paaralan ang nagkait sa kanya na ipahayag ang kanyang sarili. Sa paaralan nagsisimula ang kamalayan sa iba’t ibang pangyayari sa ating lipunan ngunit sa karanasan ni Gen ang edukasyon ay tila nagiging paurong.  Isang kasalanan na kung maituturing kapag nais mo lamang na ipahayag ang iyong sarili nang walang alinlangan. Ang bawat insulto, abuso, at stereotype na nararanasan ng mga taong bahagi ng LGBTQIA+ community ay nararapat nang mawakasan dahil tulad natin, sila ay mga tao rin—mga taong hindi dapat hinuhusgahan, bagkus ay dapat na taos pusong tinatanggap at nirerespeto.



“LGBTQIA+ rights are human rights.” Isang dekada na mula nang mangyari ang bangungot na iyon, at hindi pa rin natatapos ang laban para makamit ang karapatan ng bawat isa. Isa itong kasong sumasalamin sa palpak na sistema sa ating bansa, kung saan mas pinapaburan ang mga taong may sala kaysa ang mga nabiktima. Panahon na para simulan ang pagbabago upang wala ng susunod sa mga naranasan nila Jennifer at Gen, nawa’y magsilbi itong aral na buksan ang kaisipan at samakatuwid maging instrumento para sa inaasam na kalayaan para sa lahat, tayo ay may karapatan na ipahayag ang ating mga sarili sa malayang pamamaraan. Sabay-sabay nating iwagayway nang may dangal at pagpupugay ang ating mga sarili nang may taas noo at buong puso. Hindi na mahalaga kung ano man ang sasabihin ng iba dahil ang pagmamahal ay radikal—ito ay mapagpalaya.



Mga Sanggunian:

Abad, Michelle. “TIMELINE: The Killing of Jennifer Laude and Release of Joseph Scott Pemberton.” RAPPLER, 9 Sept. 2020, www.rappler.com/newsbreak/iq/timeline-jennifer-laude-killing-joseph-scott-pemberton-release/.

Amnesty International. “Philippines: Absolute Pardon Granted to Pemberton an Act of Impunity.” Amnesty International Australia, 10 Sept. 2020, www.amnesty.org.au/philippines-absolute-pardon-granted-to-pemberton-an-act-of-impunity/.

BBC News. “Jennifer Laude Case: Duterte Pardons US Marine over Transgender Killing.” BBC News, 8 Sept. 2020, www.bbc.com/news/world-asia-54063247.

CNN, Brad Lendon. “US Marine Pardoned by Philippines for Killing of Transgender Woman.” CNN, 8 Sept. 2020, edition.cnn.com/2020/09/08/asia/us-marine-philippines-transgender-killing-pardon-intl-hnk-scli/index.html.

“DOJ REPUBLIC ACT NO. 10592 - IMPLEMENT RULES and REGULATIONS of REPUBLIC ACT NO. 10592, OTHERWISE KNOWN as “an ACT AMENDING ARTICLES 29, 94, 97, 98 and 99 of ACT NO. 3815, OTHERWISE KNOWN as the REVISED PENAL CODE, as AMENDED” - Supreme Court E-Library.” Judiciary.gov.ph, 2014, elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/11/63252.

Ku, Russell. “Haircut Video of Transgender Student of EARIST Manila Triggers LGBTQ Community.” RAPPLER, 15 Mar. 2024, www.rappler.com/philippines/metro-manila/haircut-video-transgender-student-earist-triggers-lgbtq-community/.

Tracy Mae Ildefonso. “SOGIE Equality Bill Deliberations in the 18th Congress of the Philippines: A Persisting Battle against Discrimination.” South East Asia Research, vol. 32, no. 1, 4 Mar. 2024, pp. 1–17, https://doi.org/10.1080/0967828x.2024.2320819.

Valmores-Salinas, Rey. “More than Just a Murder.” Philstar.com, 11 Sept. 2020, www.philstar.com/lifestyle/young-star/2020/09/11/2041453/more-just-murder.