News

SIPATLAWIN 2024: Ang Huling Pagkikilatis sa mga Kandidato para sa Lokal na Konseho ng mga Mag-aaral sa CEIS

Ni Ma. Luisa Venize A. Cruz

Setyembre 18,  2024
6-min read

Iniwasto ni Keith Argonza

Noong Huwebes, ika-12 ng Setyembre 2024, isinagawa ang SipatLawin o Miting de Avance sa CEU Centrodome. Dinaluhan ito ng partidong TINIG na binubuo ng 18 kandidato na pinangungunahan ni Andrea Flores na tumatakbo bilang pangulo, at dalawang independyenteng kandidato—si Aliyah Motas para sa ikalawang bise presidente, at si Faith Cruz para sa kinatawan ng baitang 7. Ang mga mag-aaral, na nagsilbing madla, ay dumalo upang kilatisin sa huling pagkakataon ang mga kandidato para sa Lokal na Konseho ng mga Mag-aaral at alamin ang kanilang mga plataporma bago ang botohan kinabukasan.


Sinimulan ang programa ng ala-1 ng hapon, sa pangunguna nina Ashley Vasquez at Althea Baylon bilang mga tagapagdaloy ng palatuntunan. Pinangunahan ni Vetina Soriano ang pambungad na panalangin, na sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Nagbigay rin si Ara Misluhani ng kaniyang pambungad na pananalita upang opisyal na simulan ang programa. Sumunod dito ang pagpapakilala ng mga kandidato.


Nagbitaw ng pambungad na mensahe ang bawat kandidato kung saan pinakilala nila ang kanilang mga sarili. Inumpisahan ito ni Faith Cruz, na may tagline na “I have faith in you, so have faith in me,” kung saan ibinahagi niya ang kaniyang mga plataporma. Sinundan ito ni Aliyah Motas na kinanta ang kaniyang bersiyon ng “Pantropiko” ng BINI, kung saan ang mga liriko ay patungkol sa pagboto sa kaniya upang magdala ng saya at ginhawa sa mga Escolarian. Pagkatapos nito, nagpakilala na ang partidong TINIG, mula sa kanilang kinatawan ng ika-7 na baitang hanggang sa kanilang presidente, taglay ang tagline ng kanilang partido na “Ang TINIG, makikinig, papanig, at titindig sa inyong mga TINIG!” 


Ang mga posisyong tinatakbuhan ng mga kandidato ay kinabibilangan ng Presidente, una at ikalawang bise presidente, una at ikalawang kalihim, una at ikalawang ingat-yaman, una at ikalawang auditor, public information officer , peace officer , at mga kinatawan mula sa bawat baitang ng junior high school, at  STEM, HUMSS, at ABM strands ng senior high school.

Matapos ang pagpapakilala ng mga kandidato, dumako na ang programa sa pagtatanong ng opisyal na pahayagan ng paaralan na The Escolarian, kasama ang ilang mga piling miyembro ng Alakdan, kung saan tinalakay ang mga ipinangakong plataporma at proyekto ng mga kandidato noong sila ay nangangampanya.


Napag-usapan sa bahaging ito ang mga plataporma at mga proyektong inihain ng mga independyenteng kandidato na sina Faith Cruz at Aliyah Motas. Ang mga suhestiyon ni Cruz, tulad ng paglalagay ng mga bakod sa mga basurahan at pagsasagawa ng mga leadership workshops, ay naging sentro ng talakayan, partikular na sa usapin ng kanilang pagiging praktikal at angkop sa pangangailangan ng paaralan. Samantala, ang panukala ni Motas na magkaroon ng cosplaying event gamit ang mga recyclable na kagamitan ay nagbukas ng diskusyon sa kung paano ito maitutugma sa mga kasalukuyang gawain ng mga mag-aaral, lalo na’t maraming responsibilidad na hinaharap ang mga ito.


Lalong nag-init ang entablado nang maging tungkol na sa mga kontemporaryong isyung pampolitika at panlipunan ang mga katanungang ibinabato sa mga kandidato.


Tanyag ang naging sagot ni Andrea Flores sa bahagi na ito nang tanungin siya ukol sa “confidential funds” ni Sara Duterte bilang bise presidente ng Pilipinas at sa mga batikos na natatanggap nito. Ayon kay Flores, obligasyon ng mga lider ang loyalty, transparency, at accountability sa taumbayan. Sabi ni Flores na “She may not like the way they question her, pero ‘yon po ay bare minimum lang sa isang Vice President,” na nagpapahiwatig na nararapat tanungin ang mga opisyal ng gobyerno ukol sa pera ng bayan “dahil ‘yon po ay hindi nila private trust fund”.” Pinuri at pinalakpakan ng madla ang kaniyang naging matapang na sagot.


Sa parehong tanong, sumagot din ang tumatakbong treasurer o ingat-yaman sa ilalim ng partidong TINIG na si Angelica Palada. Ayon sa kaniya, nararapat na malaman ng taumbayan o publiko kung saan tunay na nadadala ang kanilang pera. Pinangako rin niya na hindi raw siya gagaya sa “ganoong politiko”, na tumutukoy kay Sara Duterte bilang opisyal na malihim sa pera.


Sumagot din si Andrea Flores nang tanungin ukol sa sinisingil na Php 150 kada mag-aaral sa simula ng taon. Ayon sa kaniya, marami raw talaga ang perang iyon kung tutuusin na bawat mag-aaral ay kinakailangang magbayad nito. Ang pera daw na iyon ay pinapaikot at pinapamana para hindi maubusan ang susunod na administrasyon. Sabi niya na bukas naman daw ang konseho para sa mga katanungan ukol sa pera na ito dahil sila ay naninigurado sa ihahain nilang transparency. 


Natugunan din ang isyu na ang mga kinatawan daw ng konseho ay hindi nagiging patas sa mga tuntunin at regulasyon ng paaralan, kung saan sinagot ito ni Flores na sa mata ng batas, lahat tayo ay pantay-pantay. Ayon sa kaniya, hindi dahil  kabilang na sa konseho ay ligtas na. Sila ay humawak ng posisyon kaya dapat, sila mismo ay responsable. 


Sumunod sa programang ito ay ang Boses ng Tatlumpung Segundo, kung saan bumunot ang bawat kandidato ng kanilang tanong na umiikot sa mga kontemporaneong isyu ng bansa gaya ng kontrobersiya kay Alice Guo, mga katanungan ukol sa paaralan at pagiging lider. Ang bawat kandidato ay binigyan lamang ng mahigpit na 30 segundo upang ibigay ang kanilang mga kasagutan. 


Matapos ang bahagi na ito ay dumaloy na ang programa sa Punto de Vista kung saan binigyan ng oportunidad ang mga independyenteng kandidato na sina Faith Cruz at Aliyah Motas at isang kinatawan ng partidong TINIG na si Aceline Soriano upang ilahad kung sila ba ay sang-ayon o di sang-ayon sa mga susunod na paksa:

Nang matapos ang Punto de Vista at ang lahat ng pagtatanong ng lupon ng pahayagan sa mga kandidato, oras na para ituon ng mga kandidato ang kanilang atensiyon sa pagsisilbihang madla at humarap sa mga katanungan ng mga ito para sa kanila.


Sa bahaging ito ng programa, napansin ang tumatakbong kinatawan ng Baitang 9 na si Kobi Evangelista, matapos siyang tanungin ng madla tungkol sa kanyang proyekto na naglalayong magpatupad ng mas organisadong sistema ng pagtatapon ng basura. Bagama’t layunin ng proyekto na maging solusyon sa kalinisan, naging diskusyon ang pagiging epektibo nito. Sa mga sumunod na katanungan, nabigyang-pansin ang mga aspeto ng proyekto na tila nangangailangan pa ng karagdagang pagpapaliwanag, na nagdulot ng hamon kay Evangelista sa kanyang pagsagot sa mga alalahanin ng madla.



Naging sentro din ng atensiyon ang tanong ng madla para kay Aceline Soriano, na tumatakbo bilang pangalawang bise presidente sa ilalim ng partidong TINIG. Tinanong siya ukol sa mga mag-aaral mula sa kaniyang dating paaralan, kung saan nagsilbi siya bilang gobernador, na hindi umano nasiyahan sa kaniyang naging serbisyo at pamumuno. Sa kaniyang sagot, dinahilan ni Soriano na humarap siya sa malalim na hamon noong panahon ng kaniyang termino dahil sa online na pamamaraan ng edukasyon, na siyang nagdulot ng mga limitasyon at nagbigay ng hirap sa kanyang pamamahala. 


Sa bahagi ng programa na ito, ilan lamang ang napagbigyan na mag-aaral mula sa madla upang magtanong sa mga kandidato. Sapagkat, marami pang mag-aaral ang nais magtanong at nakataas pa ang kamay, hindi na sila napagbigyan dahil sa kakulangan sa oras.


Sa pagtatapos ng SipatLawin2024 o Miting de Avance, binigyan ng huling pagkakataon ang mga independyenteng kandidato na sina Faith Cruz at Aliyah Motas, at si Andrea Flores, upang irepresenta ang partidong TINIG, para magbigay ng huling banat sa madla. Nagpasalamat sina Cruz at Motas sa madla habang hinahangad nila ang mga boto nito. Ginamit naman ni Flores ang oportunidad na ito upang magbigay ng pampublikong paumanhin sa ngalan ng kaniyang partido dahil hindi nila nagawang mangampanya sa bawat baitang at pangkat, at upang magpasalamat sa madla. 


Si Mark Andrew Fulgencio, punong patnugot ng pahayagang The Escolarian, ay nagbigay ng kaniyang bating pangwakas bago tuluyang isara ang programa sa pamamagitan ng pag-awit ng himno ng paaralan.


Ang botohan para sa Lokal na Konseho ng Mag-aaral ay naganap kinabukasan, Setyembre 13, 2024.