Literary
Sa Ulan Mo Makikita
Ni Kiel Caballero
Setyembre 7, 2024
1-min read
Iwinasto ni Loraine San Pablo
Patuloy sa pag-iyak si haring-araw
Tuluyan nang nalunod ang lupang uhaw
Sa kalsada’y amoy na ang alingasaw
Basura sa estero’y nangingibabaw
Taho! Taho! Iyan ang sigaw ng mama
‘Di alintana ang paglusong sa baha
Dala’y pagkalaki-laking mga lata
Lama’y pag-asa ng kaniyang pamilya
Sa isang bahay, mayroong estudyante
Inaabangan, balitang walang klase
Upang malayo sa titser na salbahe
Lunod na sa gawaing napakarami
Mayroong liblib at malayong probinsya
Mga magsasaka ay nag-aalala
Lupa’y tuyo, gaya ng kanilang bulsa
Hinihiling na ulan ay bumuhos na
Sa tag-ulan ay maraming makikita
May mga bulong, kani-kaniyang storya
Maaring sumpa, maaaring grasya
Na kahit pa mulat, may takip ang mata