Feature

Umaapoy na Daan sa Pangarap

Ni Neomie Ashley Vasquez

Nobyembre 1, 2023

Sindihan na ang nag-aalab na damdamin.. 

Tradisyon na ng aming pamilya ang pagsisimba, tuwing araw ng linggo alas otso imedya ng umaga. Paglabas na paglabas ay madidinig na ang pagsambit ng “bili na kayo!” sa mga nagtitinda, sapagkat talamak ang pagbebenta matapos ang misa, kaya naman nakaugalian na rin ang pagbili ng kandila sa mga aleng nagha-hanapbuhay sa bawat sulok ng simbahan. Dito ay natatanaw ang mga iba't-ibang uri ng laruang pambata, pamaypay, at maski rosaryong may sari-saring palamuti at disenyo. Hinggil din siguro sa aking kamusmusan, si inay ang palaging namimili ng mga gagamitin sa pagtutulos ng kandila. Kung kaya’t laking gulat ko nang ako ang inutusan ng aking inay na mamili ng kulay ng kandilang bibilhin namin, sabi ko pa ay “Sigurado po ba kayo inay? Baka hindi niyo po magustuhan ang napili ko o hindi po kaya ay masyadong mah–“ hindi pa ako nakakatapos sa pagtatanong nang bigla na lamang sumabat ang aleng nagtitinda “Naku ineng, murang mura na ang mga ‘yan. Pare-pareho lamang ang halaga kahit ano pang kulay, depende na lamang sa laki nila.” Hinalikan ng hangin ang apoy.. Isa-isa na ngang ipinaliwanag ni ale ang mga hugis at laki ng kandila. Bumili ako ng isang maliit na nagkakahalaga ng tatlong piso at dalawang tigli-limang piso na manipis subalit mas matangkad sa punggok na kandila. Tiningnan na nga ng aking ina ang aking mga napili, noong una akala ko'y aayawan niya ito. Subalit nakita kong lumaki ang ngiti sa kaniyang mga labi. Dali-dali ay inabot na niya ang bayad sa babaeng natutuwa rin sa kaniyang naibenta, bago kami tuluyang umalis nagpasalamat ang tindera sa amin. Hinawakan ni inay ang aking maliit na kamay habang naglalakad kami patungo sa aming munting tahanan. Siguro'y dahil narin sa kinagisnan at kinalakhan, sa ating pagkabata ay mga magulang na natin ang nagsisilbing kandila, na kung saan, iniilawan nila ang mga madilim na parte ng ating buhay. Magmula ng tayo ay isinilang, nandiyan lamang sila sa ating mga tabi at kailanman hindi lumisan. Tiyak na hinahangad nila ang mga bagay para sa ikabubuti natin. Lahat din ng mga bagay sa mundong ibabaw ay itinuro nila sa’tin, mula sa pagbasa ng abakada hanggang sa makatayo tayo sa ating mga sariling paa. Marami man ang nagagawang kamalian, ito’y palagi nilang itinatama. Kaya habang andiyan pa ang ating mga magulang, nawa’y maipakita at maiparamdam natin na mahal na mahal natin sila. Sila ang hangin na humahalik sa nag-aalab na apoy ng ating kamusmusan. 

Umiiyak ang kandila.. 

Mga haplos ng aking inay ang gumising sa aking natutulog na diwa, umaga na pala. May pasok na, Lunes na naman, tapos na ang long-weekend namin na puro paggawa lang din naman ng gawain sa paaralan. Matapos mag inat-inat ay inayos ko na ang aking pinag-higaan, pagkababa ay saktong-sakto luto na ang agahan. Minadali ko ang pagkain dahil baka mahuli ako sa klase, nakakatakot pa naman ang guro namin sa asignaturang sipnayan. Sakto lang naman ang dating ko at wala pa ang aming guro, umupo muna ako at nakipag-huntahan sa aking mga kamag-aral. Nang kami ay nasa kalagitnaan na, siya namang dating ng aming guro kung kaya’t nakakabinging katahimikan ang maririnig sa aming silid. Sa isang oras na klase ay puro pangamba lamang ang aking nadama. Bigla-bigla ako natawag sa recitation at hindi nakasagot. Ang kahihinatnan naman kapag hindi nakasagot ay buong oras ng klase ka tatayo sa likuran. Pagkauwi ko ay humagulgol ako sa bisig ng aking ina, sapagkat ako'y naparusahan at naging tampulan ng tukso matapos hindi mabigyan ng sagot ang mga katanungan. Ngunit, kung aking babalikan ang ala-alang sinisimbolo ng kabataan, hindi matutumbasan ng kahihiyan na naranasan sa mga aral na aking natamasa at nadala sa katagalan ng daloy ng buhay. Habang tayo ay namumulat sa mundong ginagalawan, nararanasan na natin ang mga bagay na nagpapatatag sa atin, nadadagdagan din ang mga may mabuting puso na tumatanglaw sa bako-bakong daan na tinatahak natin. Kaakibat ng ating mga magulang ay ang ating mga guro. Ipinapamana nila ang karanasan, kaalaman, at kasanayan na kanilang tinataglay. Kung kaya’t unti-unti tayong nalulusaw sa pag abot ng inaasam na magandang kinabukasan. 

Upos na ang mitsa.. 

Sa wakas! Isa na akong abogado. Napakalaki at tagos puso ang pasasalamat ko sa mga taong humubog at tumulong para maabot ko ang aking mga pangarap at marating ang aking kinatatayuan. Pagkauwi ko sa aming tahanan ay napakadilim at wala man lang makikitang liwanag, dahilan ng pagtawag ko sa kung sino man ang nasa bahay. Agad naman ako sinalubong ng aking nakababatang kapatid, subalit wala pa raw ang aming mga magulang kung kaya’t siya lang mag-isa. Pagkapasok ay napaisip ako kaagad na nakakapagod man, subalit sulit naman ang lahat ng paghihirap.

Maihahalintulad natin ang ating buhay sa isang kandila na matayog ang tayo at habang sinusubok ng panahon ay unti-unting kinakaya gaano man ito kainit kagaya ng lumiliyab na apoy. Pinapakita lamang nito sa atin na walang bagay sa mundo ang permanente kung kaya’t ating pagka-ingatan at gawing masayang ala-ala ang bawat sandali na ating tinatamasa. 

“Bunso, magdagdag ka pa ng kandila at baka nais pa tayo makasama nina inay at itay!” Umalingawngaw na tinig ni ate sa puntod ng aming mga magulang. Ngayon lang ulit namin sila nadalaw dahil marami rin kaming pinag-kakaabalahan. “Nay, kamusta na po kayo? Lagi po naming hinahanap-hanap ang presensya niyo ni itay,” paputol putol na sabi ng aking ate habang patuloy na pumapatak ang mga luha. Totoo nga na pinanganak tayong abo at mamatay tayong abo. Ang buhay ng isang tao ay parang isang kandila. Maaring maabot mo ang karukrukan ng iyong buhay o maaaring hindi. Subalit isa lamang ang aking nasisigurado, nasa ating mga sarili kung susuko na ba tayo sa kaunting init pa lamang na tatahakin habang hinahabol ang mithiin na nais abutin, o magpapatuloy tayo at ilalaban natin hanggang sa dulo ng hangganan. 

Dahan-dahan ay iniwan ko na ang kandila sa puntod ng aming mga magulang. Hanggang sa muli nating pagkikita, inay at itay, paalam.