Feature

Naaaninag ko na ang Repleksyon ng Makulay na Parol

By Jessie Jillianne Racoma

December 10, 2022

Uy! Nalalapit na ang kapaskuhan! Hindi ba’t ang sarap sa pakiramdam na magno-noche buena tayo nang medyo maluwag, na hindi tulad ng naging pasko natin sa nakalipas na dalawang taon? Makararanas na muli ng simbang gabi na tila ka’y tagal nating inaasam-asam. Tayo’y nakaramdam muli ng galak na noon ay nawala dahil sa pandemyang sa isang iglap ay para bang nabalot ang mundo ng takot at pagkasindak mula sa nagmistulang malaking halimaw na kalaban, at nang nasanay tayo sa mundong napakagulo at tayong lahat ay hindi magkanda-ugaga, mag-iiba ang paningin na halos ika’y parang sanggol na kakalabas pa lamang sa sinapupunan.

Isa lang ang Pasko sa higit kumulang tatlong-daang araw sa isang buong taon. Kung kaya’t saan mang panig ng mundo ito’y pinaghahandaan, mga nanay na tila hindi mapakali kung walang ni kapiranggot na dekorasyong pamasko sa kanilang tahanan.

Sa kalendaryo na binubuo ng labing dalawang buwan sa isang taon, sinisimulan ng Enero ang bagong taon at tinatapos ng Disyembre na may espesyal na okasyon katulad nito. Malamig na simoy ng hangin kung kaya’t himig ng kapaskuhan ay umiiral. Ang mga kumukuti-kutitap na bituin sa langit ‘di hamak na nakakaakit. Matutunghayan na rin ang mga makukulay na repleksyon ng christmas lights. Maririnig na muli natin ang musika ni Jose Mari Chan at pati na rin ang mga tugtugang pamasko ng APO Hiking Society.

Ay! Muntik ko nang makaligtaan, ang pangangaroling ng mga bata ay magbabalik na rin! Mga pinukpok na tansan na nakatuhog sa binilog na alambre, upang magmukhang recycled na tamburin. Mga kantahing “Sa Paskong darating Santa Claus niyo'y ako rin, pagka’t kayong lahat ay naging masunurin, dadalhan ko kayo ng mansanas at ubas may kendi at tsokolate, peras, kastañas na marami” at sisigaw ng “namamasko po” nang pagkalakas-lakas. Kay sarap nga namang makakita ng mga ngiti sa labi ‘pag sila’y nabigyan ng kaunting pera.

Pagbibigayan, kapanganakan ni Jesu-kristo, pagtutulungan, pagsasama-sama ng bawat pamilya sa mesa; lahat nito’y nagpapahiwatig ng kapaskuhan.

Sa mga nakabitin na parol sa mga tahanang halos punuin ng tunog ng nangangaroling at kaluskos ng kutsara’t tinidor sa lamesa sa ika-24 ng Disyembre na bagama’t simple ito, para sa’kin dito nakatago ang tunay na diwa ng Pasko. At kung ibibigay natin ang totoong kahulugan ng Pasko wala itong ibang nais na iparating, kundi ang mensahe ng walang pasubaling pagmamahal ng Diyos sa’tin.