Feature

Prangkisang Pang-masa

Ni Neomie Ashley Vasquez

Nobyembre 27, 2023

Sasakay ka ba?

Barya lang po sa umaga - ayan ‘yung madalas kong marinig sa araw-araw na ako ay nasa maingay na lansangan, subalit nakakapanibago lamang nitong mga nagdaang araw ay wala na yatang masyadong sumisigaw ng “isa pa diyan sa kanan, tatlo pa sa kaliwa”. Ngayon ay tila kailangan mo pang makipag-unahan makasakay ka lamang. Tinangay na rin ba ng mabilis na pagbabago ng panahon ang aking mga kinalakihan na kultura?


Nakakapagod, nakakayamot, at nakakaubos ng enerhiya ang araw-araw na paghihintay at pagpila para makauwi nang ligtas sa aming tahanan. Laking pasasalamat ko na nga lang at kahit na gabi ay may mga tao pa ring lumalaban nang patas sa buhay at ginagawa ang kanilang makakakaya upang may maihanda na pagkain sa kanilang mga hapag-kainan. Sa kahabaan ng biyahe ay napatingin ang aking mga mata sa kapaligiran, karamihan sa mga kasabay ko ay mga estudyante na makikita mong napakaraming gamit na dala-dala o hindi kaya ay mga taong galing sa kanilang trabaho na kitang-kita mo ang mga itim sa ilalim ng kanilang mga mata. Meron din namang papasok pa lang sa kanilang mga trabaho na ramdam mo na kaagad ang kanilang pagod. Ganito pala talaga ang buhay ‘no– napatigil ako sa aking pagmumuni noong biglang magsalita ang tsuper na “may bababa ba sa Crossing?”, dali-dali ko ng inayos ang aking mga kagamitan at bumaba na sa jeepney. 


Ang jeepney na nagsilbing tiga-hatid ko sa mga aking paroroonan. 

“Buti hindi ka nahuli ngayon ah? Hatinggabi ka na rin kasi nakauwi kagabi.” 

“Ah oo, may naabutan akong jeepney kaninang mga alas-singko pa lamang, hindi na nga ako pinagbayad ng tsuper at gamitin ko na lang daw pambili ng agahan ko”. Hirap tayong lahat sa buhay pero may mga taong bukas-loob pa rin na tumutulong, kahit sa mga simpleng bagay lang. “Tama na ang daldalan mga iha at ako’y magka-klase na,” sabi ng aming guro kung kaya’t pumasok na rin kami sa aming silid-aralan. “Kanina lamang ay may dalawang estudyante akong narinig na nagkwekwentuhan, maaari niyo bang ilahad ito sa buong klase?” Kahit nahihiya ay tumayo ako sa unahan at kinuwento ang pangyayari kaninang alas-singko y medya ng umaga, tungkol sa mabuting loob ng tsuper.


Hari ng Kalsada

Matapos ng aking pagkukwento ay nagsimula na ng diskusyon ang aking guro. Kaya pala kaniyang pinalahad iyon dahil ang aming talakayan ay tungkol sa nangyayaring “Transportation Strike.” Sinimulan niya ito sa pagpapakilala. Ang jeepney na kilala rin sa tawag na “dyip” sa pang-araw-araw na usapan, ay hindi lamang sasakyan; ito’y isang likas na bahagi ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Kaya nararapat na tayo ay makisama sa laban ng mga tsuper, dahil ang kanilang laban ay laban din nating mga komyuter. Ang pagsakay sa loob ng isang jeepney ay hindi lamang simpleng biyahe: ito’y isang pag-ikot sa kalsadang puno ng kwento, pangarap at pagkakaisa. Nais pala niyang ipakita sa amin ang kahalagahan ng jeepney, kung kaya’t kami’y babalik sa nakaraan tungo sa kasalukuyan.


Balik-tanawin natin

Sa bawat pasada nito, parang pagsulyap sa iba't ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas. Noong 1945s, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nag-umpisa ang konsepto ng jeepney. Ang dating sasakyang militar mula sa Amerika ay binago at ginawang pampasaherong sasakyan, nagdudulot ng pagbabago sa anyo ng pampasaherong transportasyon sa bansa. Katulad ng nag-iisang yugto ng pag-usbong, ang jeepney ay sumiklab na tila lihim na sagisag ng pagkabuhay at pag-angat mula sa kaharian ng kaguluhan. Ito’y naging isang arkitekturang nagdadala ng yaman sa kultura ng Pilipinas. Nakitaan ang mga Pilipino ng kanilang pagiging malikhain at maparaan sa pagbuo ng disenyo ng Jeepney.


Sining na Umiikot

Kung pag-uusapan naman ang panlabas na anyo ng dyip, ito’y tunay na nakakapukaw ng mata at nakamamangha sapagkat mapapansin ang masiglang dekorasyon nito na naglalarawan ng iba't ibang aspeto ng Pilipinong kultura. Mula sa pintura ng bayaning Pilipino, hanggang sa makukulay na larawan ng mitolohiyang nilalang na naglalaman ng mga masusing detalye. Ang mga sining na ito sa likod ng dyip ay isang bukas na aklat ng mga tradisyong pinaunlad at iniingatan ng bawat isa sa atin. Sa bawat tiklop ng kanyang bubong, naroroon ang sipag at pagmamahal, parang mga pahinang inilalapit ng manunulat para tuklasin ang puso ng kanyang mga mambabasa.


Gulong ng Buhay

Ang paglisan ng Jeepney sa kalsada ay hindi lamang isang pag-alis ng isang sasakyan; ito'y isang pagtatangkang alisin ang isang bahagi ng ating kasaysayan. Ito'y nagsilbing pangunahing paraan ng pampasaherong transportasyon para sa nakararami, lalo na sa mga pook na hindi abot ng mas modernong sasakyan. Ang jeepney, sa kabila ng pagiging lumang-anyo, ay patuloy na nagbibigay serbisyo at nagtataglay ng diwa ng bayanihan.


Sa pagsasanib ng makulay na pinta at angkop na salita, ang Jeepney ay naging pambansang palabas sa kalsada. Ang mga nagmamaneho nito, o "tsuper" ay hindi lamang drayber; sila'y naging kwentista na nagbibigay buhay sa bawat araw ng paglalakbay. Ang jeepney ay naging isang pagtitipon ng mga magkakahiwalay na kwento ng bawat tagapagmaneho nito.


Sa makulay na protesta na naglalarawan ng hindi pagsang-ayon sa “Jeepney Phaseout”, naglilitawan ang pagsusuri sa pangunahing hamon ng modernisasyon. Marami sa mga tsuper at operators ay nagmula sa mabababang kita, at ang pagpapalit ng kanilang sasakyan ay maaaring maging sanhi ng mas mataas na gastusin, panganib sa kanilang kabuhayan, at pagbabago ng uri ng pampasaherong sasakyan.


Sa pangkalahatan, ang jeepney ay higit pa sa isang uri ng transportasyon; ito'y simbolo ng pagmamahal sa bayan at pagtutulungan. Ang kilos-protesta na ito, ang "Sumama sa Laban ng Tsuper!" at "Sumama sa Laban ng ating prangkisang pangkabuhayan!" ay hindi lamang nagtataguyod ng isang sasakyan, kundi ng buong kultura at hanapbuhay na bahagi ng pagiging Pilipino. Ang pagtutol sa Jeepney Phaseout ay isang pangangalaga sa ating kasaysayan at pagsulong sa dignidad ng bawat naglilingkod sa larangan ng pampasaherong transportasyon.


Kaya kayong mga kapwa estudyante ko, piliing magsalita sa mga bagay na mahalaga at importante. Laging isipin na tayong lahat ay may boses na maaaring makatulong sa ating mga kapwa Pilipino, buhayin natin ang bayanihan. Sama-sama nating itaguyod ang prangkisang pang-masa, ang hari ng kalsada– ang jeepney, mabuhay ka! Doon na nga nagtapos ang aming klase, kung kaya’t ako’y nag-abang ulit sa pilahan at laking gulat ko nang muling matanaw ang aking ama na bumalik pamamasada na. Napangiti ako at naisip na sa bawat bukang-liwayway ito’y simbolo ng pag-asa sa minimithi nating maayos na kapaligiran at mabuting pagtrato sa mga taong nasa ilalim ng tatsulok. 


Anak, tara ako na maghahatid sayo. Magaling na ang itay, handa na ulit makipaglaro sa gulong ng buhay.