Feature

“Pilipinas, Ang Hirap Mong Mahalin”

Ni Althea Cortez

Winasto ni Chelsea Shayne Ricohermoso

April 13, 2024
3-min read

Pilipinas, ang hirap mong mahalin.” 


Kadalasan kong nababasa ang pahayag na ito sa mga komento sa mga balita o social media posts na nagpapahayag ng mga totoo at masalimuot na sitwasyon ng mga Pilipino sa ating bansa. Halimbawa na lamang ay ang pagkahalal sa mga politiko na nakulong o napatunayang may sala at walang gaanong kredibilidad upang mamuno. Dagdag pa rito ang pagiging “overworked but underpaid” ng mga propesyonal tulad ng mga guro, doktor, at nars sa ating bansa. Isama na rin natin ang mga kasalukuyang isyu ukol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o implasyon gayundin ang korupsiyon na nagiging sanhi upang mahadlangan ang pag-unlad ng sistema ng edukasyon, pangkalusugan, transportasyon at iba pang serbisyong panlipunan na kinakailangan ng mga Pilipino. 


Kalunos-lunos at walang pag-asa – ‘yan ang mga salitang naglalarawan sa kahirapang dinaranas ng ating mga kababayan. Sa gitna ng ganitong kalagayan, hindi maiiwasang mapaisip kung paano nga ba natin mamahalin ang isang bayang walang hustisya at nagpaparamdam sa atin na wala tayong boses at halaga. Kung kaya’t maraming Pilipinong manggagawa ang pinipiling magtrabaho sa ibang bansa sapagkat doon, naibibigay sa kanila ang karampatang halaga ng kanilang serbisyo at iba pang benepisyo.


Sa kabila ng lahat ng ito, may isang solusyon na nagbibigay sa atin ng pag-asa at liwanag na makakamit natin ang pagbabago – ang pagboto. Ito ang kapangyarihang hawak ng mga mamamayan sa isang demokratikong bansa. Sa pamamagitan nito, makakapili tayo ng lider na may malasakit sa mga tao at magsusulong ng kaunlaran pero tila minamaliit lamang ng iba ang kapangyarihang ito. Mayroong mga naniniwalang hindi naman makakaapekto ang kanilang boto kaya’t hindi nila pinagtutuunan  ng pansin ang pagkilatis sa mga kandidato. Nakalulungkot isipin na mayroong mga Pilipinong mas marunong pang kumilatis ng mga kandidato pagdating sa mga beauty pageants o kung sino ang dapat gumanap sa isang tauhan sa pelikula kaysa sa sino ang dapat mamuno ng bansa. Gayon na lamang ang rason kung bakit hanggang ngayon ay naihahalal pa rin ang mga mamamatay-tao, mga magnanakaw ng kaban ng bayan, at mga walang sapat na kaalaman sa paggawa ng batas. Isipin na lamang natin kung anong klaseng kalidad ng pamumuhay ang mayroon tayo ngayon kung ang mga iniluklok nating mga pinuno sa pwesto ay totoo sa kanilang serbisyo at paglilingkod. Subalit, kung wala ka pa sa tamang edad upang makaboto, ano ang maaari mong gawin? 


Sinabi ni Ginoong Cedrick Esguerra, isang guro at sosyologo, ang pinakamainam na paraan upang makilahok sa lipunan ang mga kabataan ay ang magbasa at magsulat. Ayon sa kaniya, ang pagsulat at pagbasa ang kapangyarihan ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagbasa at pagsulat, nagkakaroon tayo ng kaalaman kung paano labanan ang opresyon. Dagdag pa niya, ang karunungan ay hindi kailanman mananakaw sa atin ng sinuman at magagamit natin ito upang baguhin ang lipunang mayroon tayo. Naniniwala ako rito, sapagkat ang edukasyon ay makapangyarihan at kaya nitong gisingin ang ating kamalayang nasyonalismo. Marahil ito ang dahilan kung bakit ipinagkakait ang edukasyon sa mga kabataan ng mga taong takot na mamulat ang mga tao sa katotohanan. 

Habang umuunlad ang mundo ng teknolohiya sa paglipas ng panahon, mas lumawak na ang mga plataporma tulad ng social media na maaari nating gamitin upang magbahagi ng kaalaman at karunungan. Marami sa ating kabataan ang nagtataglay ng kaalaman sa ating kasaysayan at mga kasalukuyang isyu sa ating bansa. Subalit, karamihan din sa atin ay pinapangunahan ng takot na matawag na terorista o komunista dahil sa aktibismo, ngunit hindi dapat tayo matakot sapagkat mayroon tayong karapatan sa malayang pamamahayag. Sa pamamagitan ng kaalamang ating maibabahagi sa pagsulat at pagsasalita, magiging kaisa natin ang iba pang mga taong handang kumilos upang makamit ang isang layunin. 


Mahirap mahalin ang Pilipinas ngunit kung pababayaan natin ito, sino na ang magmamalasakit sa ating bansa? Tayong mga Pilipino rin lamang. Ang hirap na ating dinaranas ay gamitin nating apoy na magpapaalab sa ating mga damdamin na magkaroon ng magandang kinabukasan. Tandaan, lahat tayo, bata man o matanda, ay mayroong magagawa. Hindi kinakailangan maging isang politiko upang magsilbi sa ating bayan. Ang pagtamo ng karunungan mula sa pagbasa at pagbabahagi nito sa pagsulat at pagsasalita ay malaking hakbang tungo sa pagkamit ng reporma kaya’t padayon, mga pag-asa ng bayan! Patuloy tayong tumindig at maging mulat sa katotohanan.