Feature

Pang-aabusong Sekswal: Sa Likod ng mga Rehas

By Alyssa Micah Tayug

April 30, 2022

Wala na sila, ngunit hanggang ngayon ay nakalapat pa rin sa akin ang kanilang mga bakas.

Minasdan ko kung paano ilabas ang mga nahatulang guilty sa korteng kinauupuan ko at dalhin papunta sa apat na sulok na nararapat nilang karoonan dahil sa karahasang sekswal na aking natamo mula sa kanila.

Nakatutuwang isiping magbabayad sila sa kanilang ginawa, ngunit bakit tila hindi ako mapanatag nang lubusan?

Ako ang biktima, ngunit pakiramdam ko ay kasama nila akong nagdurusa sa likod ng mga rehas dahil sa takot at pangambang naiwan sa akin.

Iyan ay isa lamang pahapyaw sa pinagdaraanan ng mga nakararanas ng sekswal na pang-aabuso sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang takot na kanilang nadama mula sa isang tingin, tawag, o haplos na puno ng malisya na kailanman ay hindi nila ninais ay habangbuhay nilang dadalhin sa kanilang kalooban. Kahit saan man sila pumunta, hindi matitinag ang pagkabahala nilang baka mangyari muli ang kanilang kinatatakutan.

Gaya ng alam ng karamihan, ang pangunahing biktima ng ganitong karahasan ay ang mga kababaihan. Ayon sa pagtatalang ginawa ng United Nations (UN) Women noong Pebrero 2016, pito sa sampung kababaihan edad 12-17 at siyam sa sampu namang edad 18-24 ang nakararanas ng sekswal na pang-aabuso sa mga pampublikong lugar. Gayundin, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2017 na isa sa apat na mga Pilipinang edad 15-49 ang nakatatanggap ng pisikal, emosyonal, at sekswal na karahasan mula sa kanilang nobyo o asawa.

Bukod pa dito, nakalulungkot isiping maging ang sarili nating pangulo ay lantaran sa ganitong gawain laban sa mga kababaihan. Sa kaniyang campaign rally noong 2016, inihayag ni Pangulong Duterte ang kaniyang pagkadismaya sa natamong rape at pagkamatay ng isang Australyanang misyonaryo sa Davao, kung saan siya dating alkalde. Dagdag niya, dapat daw ay siya ang nakauna sa naturang biktima. Noong 2017 naman, sa isang pahayag sa mga Pilipinong sundalo ay binigyang-permiso ni Pangulong Duterte ang mga ito na gumahasa ng hanggang tatlong babae. Ilan lamang iyan sa mga sekswal na pang-aabusong ipinakita ng pangulo sa mga kababaihan.

Bagamat lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi maitatagong maging ang mga kalalakihan ay hindi nakatatakas sa ganitong karahasan. Sa katunayan, inilantad nina Davis at Miles noong 2019 sa kanilang pag-aaral na 33 sa 51 na mga Pilipinong lalaking karaniwang nakatira sa gilid-gilid ang nakararanas ng sekswal na pang-aabuso mula sa mga nakatatanda sa kanila. Ilan sa mga ito ay ipinakikilala sa pornograpiya habang ang iba naman ay ineengganyong makipagtalik kapalit ng pera, pagkain, o di kaya’y anumang regalo. Ang iba naman ay tahasang sekswal na inaabuso nang walang kapalit.

Tunay ngang hindi madaling mamuhay sa isang komunidad na kahit saan ka tumingin ay nariyan ang banta ng karahasang sekswal, anuman ang iyong kasarian. Bilang tugon dito, itinalaga ng National Sexual Violence Resource Center (NSVRC) sa Estados Unidos noong 2001 ang buwan ng Abril bilang “Sexual Assault Awareness Month” (SAAM) -- isang taunang adbokasiyang naglalayong magpalaganap ng mga paraan upang wakasan ang anumang uri ng sekswal na karahasan sa lahat ng kasarian. Nauna itong ipalaganap sa Amerika, na kalaunan ay sinuportahan na rin ng iba’t ibang mga bansa. Sa ilalim nito, ineengganyo ang mga mamamayang gumamit ng kulay teal na laso o anumang bagay bilang pagsuporta at isagawa ang mithiin ng naturang kampanya.

Ngayong taon, gamit ang temang “Building Safe Online Spaces Together”, layunin ng NSVRC na gawing ligtas mula sa anumang sekswal na pang-aabuso ang bawat isa sa online na setup. Naniniwala ang NSVRC na malaki ang gampanin ng Internet sa paglaganap ng ganitong karahasan sa online world kaya naman ninanais nilang maging ligtas ang lahat ng online users sa anumang uri ng pang-aabusong sekswal.

Sa kabila ng kampanyang ito, nawa’y tumimo sa isipan ng nakararami na hindi natatapos sa buwan lamang ng Abril ang mga karahasang sekswal sa buong mundo. Bawat minuto ay may nagiging biktima, kaya nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang nasimulang adbokasiya anuman ang panahon. Pakatandaan din sana ng bawat isa na hindi kailanman ninais ng isang biktima na makaranas ng gayong karahasan, dahil tiyak na walang maaabuso kung walang mang-aabuso.