Feature

Pagsilay sa Kinabukasan

Ni Neomie Ashley Vasquez 

February 23, 2024
4-min read

Gusto ko maging doctor! Ako naman abogado! Para maiba, gusto ko maging CEO!

Ayan ang madalas na bulalas ng ating mga bibig tuwing tinatanong tayo kung ano ang gusto nating maging paglaki. Ang mga pangarap ay parang mga titik na masining na isinulat sa malamlam na pahina ng ating buhay. Sa bawat pangarap, may pag-asa at saya na nag-aalab tulad ng apoy na laging nagbibigay liwanag sa dilim ng kaharian ng kawalan. Subalit, habang inililipat natin ang mga pahina ng ating buhay, may mga unos na dumadating para sa mga kabataang katulad ko; nangunguna ang “Ano nga ba ang pipiliin kong kurso para sa kolehiyo na aking dadalhin hanggang ako’y tumanda na?”

Dahil ba ito sa prestihiyosong titulo na maikakabit sa ating mga pangalan o baka naman sa malaking kita na kapalit nito? Sa mga panahong ito, tayo’y punong puno ng mga pag-aagam, pangamba, at kawalan ng kasiguraduhan. 

Naputol ang aking pag-iisip ng kalabitin ako ng aking katabi…

Simula na pala ang isinagawang “Career Preparedness Awareness Fair” ng aking paaralan. Marami rin kayang mga tulad ko ang nahihirapan sa pagpili ng kurso?

Kung tutuusin ang career preparedness awareness ay napakalaking tulong sa mga kabataang hindi alam kung ano nga ba ang kanyang tatahaking landas matapos ang Junior High School. Dahil sa mga ganitong pagtitipon, nabibigyan tayo ng pagkakataon na palawakin ang ating kaalaman sa iba't ibang larangan ng trabaho at propesyon, na siyang nagbibigay sa atin ng gabay sa tamang direksyon patungo sa ating kinabukasan. Sa pagiging maalam sa mga pagpipilian at oportunidad, nagiging handa tayong humarap sa mga hamon ng buhay at mas lalong nagiging determinado na makamit ang tagumpay na ating minimithi.

“Isang masigabong palakpakan naman para sa ating guest speaker na Former Sen. Atty. Francis “Kiko” Pangilinan.”

Tila tumalon ata ang puso ko sa aking katawan ng marinig ang magbibigay ng payo sa amin ngayon. Nagsimula na siyang magbigay ng payo at sagutin ang mga katanungan sa kaniya. Nabaon ko sa kaniyang mga inilahad na sa pagpili ng kurso para sa kolehiyo ay hindi lamang prestihiyo o kita ang dapat maging pangunahing batayan. Napakahalaga na alam natin ang ating mga interes, hilig at kakayahan. Sa karera ng buhay, magiging masaya at masarap sa pakiramdam kung masigla at masigasig tayong nagsusumikap sa larangan na tunay nating iniibig. Kung kaya’t hindi dapat maging sunud-sunuran sa impluwensya ng iba, sa takbo ng panahon, o sa mga uso.  

“We should never condemn those who see things differently.” 

Nag iwan ito ng permanenteng marka sa aking puso’t isipan dahil sa panahon natin ngayon, kung saan ang mga nakakita ay pinipiringan, ang mga presyo ng bilihin ay walang tigil ang pagtaas, ang mga nasa laylayan ng lipunan ay tuluyan pa ring naghihirap. Imbes na husgahan natin ang mga taong may kapangyarihan, tulungan natin silang makita ang nararapat nilang makita. Sapagkat ayon nga rin kay Kiko “Kayo ang mitsa ng pagbabago.” Hindi lang naman ang buhay natin ang maaring magbago kundi pati na rin ang ating sinisitang sinilangan. Napakaraming paraan, anuman ang propesyon na mayroon tayo, makakapagbigay pa rin tayo ng inspirasyon sa marami. Tunay ngang napakaganda ng mensahe, lalo na sa mga kabataang nasa panahon na alamin ang kanilang mga landas na tatahakin. 

Tara na?

Sa pagtatapos ng araw, dala-dala ko ang mga aral na aking natutuhan sa “Career Preparedness Awareness Fair.” Dito ay naramdaman ko rin na hindi kami nag-iisa sa aming paglalakbay patungo sa pagsasakatuparan ng aming mga pangarap. Lagi lamang naka-agapay, ang aming mga magulang at paaralan na puno ng mga dedikadong guro at propesyonal na walang sawang gumagabay at nagbibigay sa amin ng lakas at inspirasyon upang harapin nang buo ang mga pagsubok ng buhay at matagumpay na abutin ang mga pangarap na aming inaasam. 

Kaya sa mga kapwa kong kabataan, bagamat puno man tayo ng mga katanungang tila hindi maubos ubos. Huwag mawawalan ng pag-asa na maaabot natin ang mga bituin ng ating mga pangarap. Kaya't sa paglalakbay na ito, ituloy natin ang pagsusumikap, huwag matakot mangarap ng malaki, at palaging tandaan: "Hindi lang natin dala ang pangalan sa ating balikat, kundi pati na rin ang pag-asa at liwanag para sa isang mas makulay na hinaharap."