Feature

Pagkakaisa sa Kabila ng Pagkakaiba-iba

By Brigette Leigh B. Mantala

December 17, 2021

Umuunlad na ang mundo, ngunit hindi ang kaisipan ng tao.

Nakatuon ang mata ng lahat sa isang maliit na kahon. Sabik na nakaantabay kung ang laman ba nito ay asul o rosas. Ganito ang karaniwang eksena sa mga ‘gender reveal party’. Rosas para sa babae at asul naman sa lalaki. Minsan ka na din bang napaisip kung bakit agad na pumapasok sa isipan natin ang kasarian ng tao sa tuwing nakikita ang mga kulay na nabanggit? Hindi pa man tayo nakaaapak sa lupa ay kontrolado na ng mga taong nakapalibot sa atin ang bawat galaw natin at parang malaking kasalanan kapag tumaliwas sa estereotipong nakagisnan.

Sa ating kasaysayan noon, nahahati ang antas ng mga Pilipino sa ating lipunan, kung saan ang maharlika ang pinakamataas at aliping sagigilid naman ang pinakamababang uri o walang kahit anong karapatan. Pumapagitna naman dito ang timawa na itinuturing na mga malayang tao, at mga aliping namamahay na kahit papaano ay may karapatan na magkaroon ng ari-arian. Ngunit kung palalaliman pa natin ang pag-aaral sa mga antas na ito, mapapansin na kahit gaano pa kataas ang antas sa lipunan ng kababaihan ay mababa pa rin ang tingin sa kanila sapagkat wala silang kakayahan sa mata ng madla. Kaya naman mga lalaki ang kadalasang namumuno at mas nakaaangat sa lahat.

Sila nga ba talaga ang mas nakakaaangat?

Hanggang sa panahon ngayon, ang kababaihan ay inilalarawan bilang mahinhin, maalam sa gawaing bahay, mabusisi sa pag-aayos ng itsura, at laging nakasuot ng bestida. Samantala, ang mga lalaki naman ay kinakailangan na maging matatag sa lahat ng oras at nararapat na nagtataguyod para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Matunog na usapin din ang paglaganap ng bilang ng mga kasapi sa LGBTQIA+ community nitong mga nakaraang taon. Hindi maipagkakaila na matindi ang diskriminasyon na kanilang nararanasan, dahil hindi maintindihan ng karamihan ang kanilang ninanais at pananaw sa buhay. Ang halaga ba ng isang tao ay nakabatay sa kung ano ang kanyang kasarian o sekswalidad? Tila halos lahat nalang ay inuugnay natin base sa nakasanayan. Mula sa mga propesyon na nais nating tahakin, hanggang sa mga damit sa pamilihan ay mayroong hanay na panlalaki at pambabae. Nakakatawa isipin ‘di ba? Ano ba ang saysay nito? Wala namang kaibahan ang kanilang gampanin ngunit nagawa pa din itong iugnay.

Iisa man ang mundo na ating ginagalawan, iba-iba pa rin ang prinsipyo ng bawat isa. Ngunit hindi ito sapat na dahilan para diktahan ang bawat isa kung ano ang nararapat at hindi dapat gawin. Sabi nga ni Emma Watson sa kanyang HeForShe campaign noong 2014, “It is time that we all perceive gender on a spectrum, instead of two sets of opposing ideals.” Samakatuwid, kinakailangan itrato ang iyong kapwa ng mayroong paggalang at respeto.

Nag-iiba na ang takbo ng panahon, kaya dapat ay sumabay din tayo dito. Lahat ay mayroong kalayaang magpahayag ng opinyon, damdamin, at pananaw. Ngunit, ‘wag sana natin itong abusuhin para makasakit ng damdamin ng ating kapwa. Hayaan ang mga babae na ipakita ang kanilang buong potensyal na kakayahan at ang kalalakihan na ipakita ang kanilang kahinaan. Maging ito man ay sa pananamit, pag-uugali, o pananalita. Panahon na para tibagin ang

nakasasakal na estereotipong ito at magsimula ng inaasam na pagbabago. Isipin niyo nalang ang magiging takbo ng mundo kung pantay-pantay ang antas natin sa lipunan at walang mapanghusgang mga mata ang nakamasid sa bawat isa.

Tayo ay mga indibidwal, hindi basta babae o lalaki lang. Ang karapatan ng bawat isa ay nararapat na ipaglaban.