Apat na Milyon: Pribilehiyo o Pondo?
By Alisther Malbata-an
October 29, 2024
3-min read
Copyread by Loraine San Pablo
Kaakibat ng mga organisasyon na pinangunahan ng dating Bise Presidente na si Leni Robredo na Angat Buhay at Kaya Natin ay ang pag-angat ng pondo ng mga ito. Nakapag-ipon ang dalawang organisasyon ng mahigit apat na milyon sa loob lamang ng 10 oras. Patuloy na ginagamit ng Angat Buhay at Kaya Natin ang pondo na kanilang naipon upang bigyang suporta ang mga Pilipino na nasalanta ng bagyong Kristine.
Nagtulong-tulong ang koponan ng Angat Buhay at Kaya Natin upang matulungan ang mga residente na nasalanta ng bagyong Kristine, lalo’t higit sa parte ng Bicol kung saan pinaka-apektado ng malakas na pinsala ng bagyo. Ang koponan mismo ang personal na tumulong sa mga residente.
Daan-daan, libo-libong tao ang dumaranas ng kahirapan tuwing may dumarating na bagyo. Pinsala ang inaabot ng kanilang mga buhay na hindi naman nila kailanman hiniling. Gumuguho ang mga bahay, lumilipad ang mga bubong, at pinapasok ng maruming tubig na maaaring magdulot ng sakit.
Salungat naman sa mga pangyayaring ito ang mga lugar na hindi apektado ng hinagpis ng malakas na hangin at ulan. Konkretong mga pader, matitigas at dikit na mga bubong, at matataas na bahay kung saan hindi kayang abutin ng tubig baha.
Sa dalawang pangyayaring ito makikita ang tatak ng pribilehiyo dahil sa iisang sitwasyon na iba ang nagiging karanasan.
Apat na milyon—maaaring mas mababa pa roon o kahit pagbibigay pugay lamang, sobrang laking suporta na ang maibibigay sa mga Pilipino na nakararanas ng hirap na dulot ng bagyo. Ang pag-share, pag-repost, at kahit simpleng pakikipag usap tungkol sa sakuna ay malaking tulong na, maging may karanasan man o wala.
Lider man o ordinaryong Pilipino, may magagawa.
Ang sabi nga nila, “Hindi mo kailangan ng posisyon sa gobyerno para makatulong sa tao.”
Kung gayon, bilang ordinaryong tao, hindi kailangan ng pribilehiyo para lamang makapagbigay ng simpleng tulong o kamalayan para sa ganitong mga uri ng sakuna. Kung pribilehiyo lamang ang nais na ipabatid, hindi sigurado at walang seguridad na matatanggap ang mamamayan na mas dapat pang bigyan ng pansin.
Ang pribilehiyo na makahiga sa malambot na kama, matulog nang mahaba sa ilalim ng malamig na aircon ay higit pa sa kinakailangang malasakit ng mga bata at matanda na hindi na alam kung paano nila ililigtas ang kanilang mga sarili dahil sa bagyo na patuloy na dinaranas ng mga Pilipino sa kanilang mga lugar.
Dahil dito, maaari nating maging tanong ang kahalagahan ng yaman—mas matimbang nga ba ang pribilehiyo o ang apat na milyong pondo?