Feature

Abante Babae

By Brigette Mantala

March 31, 2022

Bawat tanglaw na matatamo ay kaagad nitong tinatangay. Palamuti lang ba ang maituturing nitong taglay?

Sa aking paglalakad, ang aking atensyon ay napatungo sa isang hardin ng rosas na nagsisilbing disenyo sa parke. Ito‘y nababalot ng mga tinik upang maging proteksyon mula sa mga nagnanais na pumitas rito. Kung titignan ito ng masinsinan ay mapapansin na ang ilang talulot ay dinadapuan ng insekto para pagkunan ng pagkain o magpahinga dito mula sa ilang oras na paglipad.

Nakakagalak isipin na napakaraming kakayahan ang isang bulaklak.

Ang nakabibighaning likha na ito ay maihahalintulad sa mga kababaihan. Hindi pa man nagsisimulang umusbong ang kanilang talulot ay inaasahan na silang magsilbi sa kanilang magiging pamilya— ang ilan pa nga’y hindi nabibigyan ng pagkakataon na makatungtong sa eskwelahan at matuto dahil sa nakasanayan na estereotipo na nararapat lamang sila manatili sa kanilang tahanan. Kagaya ng isang rosas na inaalay ang kanyang buhay para pakainin at alagaan ang mga paru-paro at bubuyog sa bawat paglipas ng araw ang kababaihan na walang sawa na nagsusumikap para alagaan at palakihin ang kanyang mga anak at katuwang sa buhay.

Talaga nga namang hindi madali ang pagsisikap na pinagdaanan ng bawat isa sa kanila. Kaya naman ngayong buwan ng Marso, ay inilaan ang bawat petsa sa kalendaryo para gunitain at ipagdiwang ang mga kababaihan. Nagsimula magkaroon ng Women’s Day sa New York City noong 1908, kung saan mahigit labing limang libong (15,000) kababaihan ang naglakas loob na ipaglaban ang kanilang karapatan na bumoto, at pantay na pagtrato at pagbayad sa kanilang mga trabaho. Pormal itong kinilala noong 1913, hanggang sa kalaunan ay naging selebrasyon na ito sa iba’t ibang mga bansa.

Ngayong taon, patuloy na ipinagdiriwang ito na naaayon sa temang “WE Make CHANGE Work for Women.” Naglalayon ito na manghikayat hindi lamang ang pagbibigay inspirasyon sa mga kababaihan, kundi paglunsad ng pagkakapantay pantay na tingin para sa lahat. Kaugnay sa selebrasyon na ito, hinihikayat ang mga nais makisapi na magsuot ng kulay ‘purple’ — na simbolismo ng katarungan at dignidad.

Isang magandang hakbang para sa kaunlaran ang pagkilala sa mga kababaihan. Sana ay kahit lumipas na buwan, ay ipagpatuloy pa rin pagpapahalaga na kanilang nararapat na matamasa. Maging sila man ay kasing malumanay kumilos ng paggalaw ng talulot sa bawat pag ihip ng hangin o kasing tikas ng mga tinik na nagpoprotekta sa pananim na rosas, babae pa rin sila na maituturing. Hindi basehan ang pagkakaiba ng ating pisikal na anyo o kalakasan para diktahan ang ating kakayahan. Bawat isa sa atin ay mayroong maipagmamalaki at kakayahan na maging hakbang para patuloy na umunlad. Kaya naman, tayo ay magkapit kamay para sa biyayang taglay. Taas noo na ibandera ang kababaihan, tungo sa kaunlaran.